MANILA, Philippines — Pare-parehong gumanda ang net satisfaction rating ng ikalawang pangulo, speaker of the House at Senate president sa kalalabas lang na fourth quarter survey ng Social Weather Station para sa taong 2019, Martes.
Isinagawa ang pag-aaral mula ika-13 hangang ika-16 ng Disyembre, 2019, gamit ang harapang panayam sa 1,200 katao na 18-anyos pataas. Hindi commissioned ang pag-aaral.
Mula sa pagiging +33 noong Setyembre, nakakuha ng +36 si Bise Presidente Leni Robredo, na pasok sa pamantayang "good" ng SWS.
Lumalabas kasi sa pag-aaral na 59% ang satisfied sa kanyang trabaho kontra sa 23% na dissatisfied.
Nakukuha ang net satisfaction ratings sa pag-aawas ng porsyento ng populasyon na "satisfied" (nasisiyahan) sa porsyento ng populasyon na "dissatisfied" (hindi nasisiyahan) sa isang lingkod-bayan.
"Ang 3-puntos na pag-angat sa kabuuang net satisfaction rating ni Bise Pres. Robredo ay dahil sa mga pag-angat sa Kamaynilaan, Mindanao at Visayas, na ipinagsama sa halos parehong puntos sa Balance Luzon," sabi pa ng SWS sa Inggles.
Tanging sa Balance Luzon lang bumaba ang kanyang net satisfaction ratings, sa isang puntos.
Narito ang pakahulugan ng iba't ibang satisfaction ratings:
- +70 pataas (excellent)
- +50 hanggang +69 (very good)
- +30 hanggang +49 (good)
- +10 hanggang +29 (moderate)
- +9 hanggang -9 (neutral)
- -10 hanggang -29 (poor)
- -30 hanggang -49 (bad)
- -50 hanggang -69 (very bad)
- -70 pababa (execrable)
VP Leni tumaas sa mga lungsod, probinsya
Maliban sa pag-angat ng mga puntos ng ikalawang pangulo sa survey, na kasisisante lang bilang co-chair ng ICAD noong Nobyembre, mas umigi rin ang pananaw sa kanya ng mga nasa mga sentrong lungsod (urban) at kanayunan (rural).
Sa kanayunan, tumaas patungong +45 ang rating niya mula sa +40 noong Setyembre, dahilan para makakuha rin siya ng "good."
Pagdating naman sa sentrong lungsod, nakasungkit naman siya ng +26 mula sa dating +20.
Nananatili namang "moderate" ang estado ng kanyang ratings sa mga lungsod.
Pagdating sa class ABC at mga nakapagtapos ng sekundarya (high school), umangat naman sa "moderate" ang kanyang rating mula sa pagiging "neutral."
Nanatili naman itong "good" sa class D (masa), sa parehong lalaki at babae, sa 18 hanggang 34-anyos at sa 45-anyos pataas.
Ganoon din ang nakuha niya pagdating sa mga hindi nakapagtapos ng elementarya, nakapagtapos ng elementarya at kolehiyo.
"Gayunpaman, naging good na lang ito mula sa pagiging very good pagdating sa mga class E, at naging moderate na lang mula sa pagiging good pagdating sa mga 35 hanggang 44-anyos," dagdag pa ng organisasyon.
Konggreso, Korte Suprema
Ganyan din ang kinasapitan nina Senate President Vicente "Tito" Sotto at House Speaker Alan Peter Cayetano sa kanilang mga scores.
Mula sa pagiging +61 noong Setyembre, bahagya itong umigi sa +62 noong Disyembre, dahilan para umani siya ng rating na "very good."
"Ang 1-puntos na pagtaas sa kabuuang net satisfaction rating... ay dahil sa pagtaas sa lahat ng lugar maliban sa Balance Luzon," sabi pa ng SWS.
Nanatiling "very good" ang kanyang mga scores sa lahat ng basic demographics, maliban sa class ABC kung saan bumaba ito sa "good."
"Very good" din ang net satisfaction rating ng Senado sa kabuuan, matapos makakuha ng +62.
Pagdating naman kay Cayetano, na dating running-mate ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 national elections, tumaas ito mula sa pagiging "good" patungo sa pagiging "very good" nang makakuha siya ng +53.
Kagaya nina Robredo at Sotto, tumaas ang kanyang puntos sa lahat ng lugar maliban sa Balance Luzon.
Pinalakpakan din ng marami ang Kamara sa kabuuan nang makakuha ito ng +51 net satisfaction rating, na "very good" din.
Samantala, "moderate" naman ang nakuha ni Chief Justice Diosdado Peralta, na bagong hirang pa lang bilang punong mahistrado ng Korte Suprema matapos makakuha ng +21 sa kanyang unang net satisfaction rating.
"Good" naman ang nakuha ng Kataas-taasang Hukuman sa puntos na +49.