MANILA, Philippines — Umapela si Kabayan partylist Rep. Ron Salo sa mga kapwa kongresista na tigilan na ang mga intriga at pahayag na walang idudulot kundi sirain ang imahe ng kongreso at mahati ang kanilang mga atensyon sa mga mas mahahalagang isyu na dapat pagtuunan ng pansin.
Ang panawagan ni Salo ay bunsod sa pahayag ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza, na nagsabing ang napabalitang coup ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco laban kay Speaker Alan Peter Cayetano ay gawa-gawa lang daw.
Tanong ng kongresista, paanong masasabi ni Atienza na gawa-gawa lang ni Speaker ang kwento sa coup attempt ni Velasco gayung may 20 congressman ang nagpapatunay na may ganito ngang maitim na balak ang kampo nila.
Dahil dito kaya pinayuhan ni Salo si Atienza na pagtuunan na lamang ng pansin ang trabaho sa kongreso sa halip na maglabas ng mga walang katuturang pahayag laban sa liderato ng Kamara.
Pinuna rin nito si Pwersa ng Bayaning Atleta (PBA) partylist Rep. Jericho Nograles na nagsabing hindi umano kapani-paniwala ang planong pagpapatalsik kay Cayetano dahil ilang buwan na lang ang hinihintay ni Velasco para maupo bilang Speaker.
Binigyang-diin ni Salo na totoong may planong coup laban kay Cayetano at may ilan na rin siyang nakausap na nagsabing mga proyekto sa pambansang badyet at maging mga pagiging chairperson ng mga House committees ang inaalok ng kampo ni Velasco para sumanib sa panig nito.
Nakatawag pansin din kay Salo ang mga pahayag ni dating Negros Occidental congressman Alfredo Benitez na nagsabing ang Visayas bloc sa Kamara ay susunod sa term-sharing agreement sa pagitan ni Velasco at Cayetano, pero bakit anya umugong ang planong patalsikin si Cayetano at pangalan niya ang lumutang na sangkot sa coup na kumakausap sa mga kongresista para mangalap ng suporta sa plano ni Velasco na patalsikin si Cayetano bilang Speaker.
Sa ilalim ng kasunduang ito, unang uupo si Cayetano bilang Speaker sa loob ng 15 buwan, at susunod si Velasco sa loob ng 21 buwan na magsisimula ngayong Oktubre.