MANILA, Philippines — Kinumpirma ng World Health Organization na nasa 20 vaccine ngayon ang dinidebelop bilang panlaban sa coronavirus disease 19 o COVID-19.
“Work is also progressing on vaccines and therapeutics. More than 20 vaccines are in development globally, and several therapeutics are in clinical trials,” pahayag ni WHO Director-General doctor Tedros Adhanom Ghebreyesus.
Sinabi ni Ghebreyesus na inaasahang lalabas ang resulta sa loob ng ilang linggo.
Ayon kay Ghebreyesus, bagamat kulang sa vaccines at therapeutics, may mga precautionary measures na maaaring gawin ang publiko laban sa COVID-19 outbreak.
Nabatid na ilang researcher nagsasagawa ng pag-aaral sa Hackensack Meridian Health Center for Discovery and Innovation laban sa COVID-19. Ang nasabing facility ay nagdedevelop ng novel therapies para sa mga matitinding sakit.
Inamin ni Ghebreyesus na depende rin sa edad, lugar at pamumuhay ang kaligtasan upang hindi madapuan ng COVID-19.
Naglaan na ng general guidance ang WHO upang hindi mahawa ng sakit. Kailangan lamang na sundin ang national guidance at kumonsulta sa local health professionals.
Kabilang sa director-general rule ay regular na paglilinis ng kamay ng sabon at alcohol; paglilinis ng mga ibabaw ng mesa, kabinet at iba pa; pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa COVID-19; pag-iwas sa pagbiyahe kung may ubo at sipon; pag-iwas sa matataong lugar; pagtatakip ng bibig kung umuubo; magpa-self quarantine at magpatingin kung kinakapos sa paghinga.
“Our greatest enemy right now is not the virus itself. It’s fear, rumors and stigma. And our greatest assets are facts, reason and solidarity,” dagdag pa ni Ghebreyesus.
Una nang inanunsiyo ng China ang anti-viral drug na Favilavir na sinasabing gamot kontra sa coronavirus.