Liver transplant sa biliary atresia sa Pinas na gagawin - Sen. Go
MANILA, Philippines — Hindi na kailangang magtungo pa sa ibang bansa at gumastos nang napakalaki ang mga batang isasailalim sa liver transplant dahil maaari na silang maoperahan dito sa bansa.
Ayon kay Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, nilagdaan ang isang memorandum of agreement (MOA) nitong Miyerkules upang sa Pilipinas na maisagawa ang napakaselang pediatric liver transplantations.
Sa ilalim ng MOA sa pagitan ng Department of Health (DOH), Philippine Children’s Medical Center at The Medical City, ang government hospital ang tutukoy ng kuwalipikadong pasyente, ang pribadong ospital ang magsasagawa ng transplants at ang DOH ang magre-reimburse ng mga gastos sa pamamagitan ng PCMC.
Sinabi ni Go, chairman ng Senate committee on health, nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-develop ng liver transplantations sa bansa dahil sa kanilang naging karanasan sa pagtulong sa mga batang may biliary atresia.
Ang biliary atresia ay liver disease na karaniwang nangangailangan ng transplant upang mabuhay ang pasyente. Ilang batang may naturang sakit na ang ipinadala nina Pangulong Duterte at ni Sen. Go sa ibang bansa, partikular sa India, para sumailalim sa transplants.
Aniya, ang kasunduan ay short-term solution pa lamang sa lumalaking bilang ng kaso ng mga kabataang Pinoy na may biliary atresia.
Ang long-term solution ay gawing dekalidad at may kakayahan ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa pamamagitan ng pagbili ng mga kakailanganing kagamitan, isaayos ang pasilidad nito at ipadala ang mga espesyalista sa Taiwan para i-train sa Kaohsiung Chang-Gung Memorial Hospital (KCGMH).
- Latest