Cityhood ng La Trinidad Benguet isinulong

MANILA, Philippines — Nais ni ACT-CIS Party­list Rep. Eric Yap na gawing lungsod o city ang munisipalidad ng La Trinidad Benguet.

Naghain si Cong. Yap ng House Bill 6366 na naglalayong ma-convert bilang component city ang mga capital town ng mga lalawigan na walang component city sa kanilang territorial jurisdiction, gayundin ang HB 6367 na layon namang i-convert ang munisipalidad ng La Trinidad bilang isang component city at kilalanin ito bilang City of La Trinidad.

Ayon naman sa legis­lative caretaker ng lalawigan, ang mga mamamayan pa rin ng Benguet ang mayroong pinal na salita hinggil sa cityhood ng La Trinidad.

“Siyempre, nasa ating mga kababayan sa Benguet pa rin ang desisyon kung gusto talaga nila maging lungsod ang La Trinidad. Meron pa rin naman tayong plebesito. Ating isinumite lang ang dalawang panukalang ito para bigyan sila ng pagpipilian, bigyan sila ng boses,” paliwanag ni Yap.

Kung tuluyang maisusulong, ang naturang conversion ay magreresulta sa pagkakaroon ng ‘full economic potential’ ng munisipalidad ng La Trinidad, dahil magiging daan ito para sa higit pang pag-unlad at karagdagang serbisyo para sa kanilang lumalaking populasyon.

“Gusto natin makilala ang La Trinidad bilang La Trinidad City, at hindi lang bilang “katabi ng Baguio City.” We want a unique identity for La Trinidad, and for Benguet as a whole,” aniya pa.

Show comments