ABS-CBN ikinagalak ang pagtanggap ni Duterte sa kanilang sorry
MANILA, Philippines — Ikinatuwa ng ABS-CBN ang pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa hiningi nilang tawad kamakailan, kaugnay ng mga hindi nila naipalabas na patalastas noong 2016 presidential campaign at pagpapalabas ng "negative ads" na balak dumiskaril sa pangangampanya ng dating alkalde ng Davao.
"Nagpapasalamat... kami sa pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paghingi namin ng tawad," sabi ng network sa Inggles, Huwebes.
READ: ABS-CBN's statement on President Rodrigo Duterte's acceptance of apology pic.twitter.com/aF3mIKdVdT
— ABS-CBN News Channel (@ANCALERTS) February 27, 2020
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang humingi ng tawad si ABS-CBN president at chief executive office Carlo Katigbak sa pag-"offend" kay Duterte dahil sa hindi pag-ere ng P7-milyong halaga ng political ads habang inilabas naman ang diumano'y "black propaganda" ni dating Sen. Trillanes.
Binanggit ito ni Katigbak kahit na hindi bawal sa batas ang paglalabas ng patalastas na laban sa kahit na sinumang kandidato.
Una nang sinabi ng network na naisaoli na nila ang P4 milyon mula sa nasabing halaga, ngunit tumanggi na raw ang presidente nang subukan nilang isaoli ang nalalabing pera.
"Kinikilala namin na hindi namin agad naisaoli ang pera," sabi ng ABS-CBN president sa nakaraang Senate hearing.
Tinanggap ni Duterte ang paumanhin ngunit sinabing Konggreso pa rin ang magdedesisyon kung mare-renew ang prangkisa ng Kapamilya Network.
Nanganganib pa rin kasi ang prangkisa ng ABS-CBN dahil hindi pa pormal na sinimulan ang mga pagdinig dito ng Kamara, mahigit dalawang buwan bago ito mapaso sa ika-4 ng Mayo.
Tuloy pa rin daw ang quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General laban sa kumpanya, na humihiling sa Korte Suprema na mabawi ang kanilang prangkisa bunga diumano ng ilang paglabag.
Una nang sinabi ni Duterte na hindi niya ipare-renew ang prangkisa ng kumpanya kung siya ang masusunod buhat ng non-airing ng ads.
Wala na daw planong kunin ni Duterte ang natitirang P2.6 milyong balanse mula sa P7 milyon, ngunit ikatutuwa niya raw kung ipamumudmod na lang ito sa ibang nangangailangan.
"Pwedeng ibigay na lang nila [ang P2.6 milyon] sa kahit na anong charitable institution na mapipili nila," sabi ng presidente.
Tiniyak naman ng nilang makikipag-ugnayan sila sa tanggapan ng pangulo hinggil sa ido-donate nilang pera.
"Nangangako ang ABS-CBN na maging mas mahusay bilang organisasyon at patuloy na magbigay ng makabuluhang serbisyo sa mga Pilipino," panapos ng network.
- Latest