Kahit kaalyado ni Duterte, Pacquiao pabor manatili ang ABS-CBN sa ere

"Parang malaking kawalan ng buong sambayanang Pilipino ang mawala ang ABS-CBN dahil napakalaking tulong ito para sa ating bansa na magkaroon ng impormasyon ang bawat isa," dagdag niya pa.
The STAR, File

MANILA, Philippines — Sa pagdinig ng komite ng Senado, Lunes, sinabi ni Sen. Manny Pacquiao na magiging malaking kawalan para sa mga Pilipino ang pagsasara ng ABS-CBN oras na bawian o hindi mare-renew ang kanilang prangkisa.

"Kung ano man ang problema nila, kung may violation sila, then kasuhan sila. Pero hindi naman siguro doon mapupunta sa closure," sabi ni Sen. Manny Pacquiao.

Kanina lang nang sabihin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hanggang ika-4 ng Mayo na lang ang itatagal ng prangkisa ng ng Kapamilya network, na hindi pa rin napagdedesisyunan ng Konggreso.

Pinababawi naman ni Solicitor General Jose Calida ang prangkisa ng kumpanya sa Korte Suprema sa pamamagitan ng quo warranto petition, dahil diumano sa foreign ownership issues at pagpapatakbo ng network sa KBO channel kahit "walang permit."

Patuloy ng senador, na eight-division world champion sa larangan ng boxing, isa ang ABS-CBN sa primaryang pinagkukunan ng impormasyon pagdating sa sakuna at isyung pulitikal mula sa bawat panig ng bansa.

"Parang malaking kawalan ng buong sambayanang Pilipino ang mawala ang ABS-CBN dahil napakalaking tulong ito para sa ating bansa na magkaroon ng impormasyon ang bawat isa," dagdag niya pa.

"Sa mga sumasawsaw kung saan sila papanig, alalahanin natin na because of ABS-CBN, gusto kong maisip ninyo na because of ABS-CBN marami tayong natututunan at updated tayo... Malaking kawalan sa buong sambayanang Pilipino ang mawala ang ABS-CBN dahil nakapalaking tulong ito sa ating bansa."

Kuneksyong Pacquiao, Duterte at ABS-CBN

Nagpakita ng suporta si Pacquiao sa istasyon ngayon araw kahit na siya ang nagsilbing campaign manager ng PDP-Laban, na partido pulitikal ni Pangulong Rodrigo Duterte, noong 2019 national elections.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na may galit si Digong sa kumpanya, matapos hindi naiere ng ABS-CBN ang ilan niyang patalastas noong nangangampanya pa lang sa pagkapresidente.

Dahil diyan, nagbanta noon ang pangulo na hindi niya ipare-renew ang prangkisa ng "Dos" kung siya lang ang masusunod.

Aminado naman si Carlos Katigbak, presidente at CEO ng ABS-CBN, na umabot sa P7 milyong halaga (mula sa kabuuang P65 milyon) ng ad slots ang hindi naiere ng kumpanya.

Gayunpaman, naiere naman daw nila ang 117 minuto ng patalastas para sa national airing: "Sa local ads nahirapan because kaonti ang minutes," paliwanag niya.

"First come, first serve. Many were ordered on May 3rd, that came ahead of Duterte's order."

Nairefund naman daw ng kumpanya ang P4 milyon ngunit hindi raw tinanggap ni Digong ang nalalabing P2.6 milyon.

"We acknowledged failure to refund the money in a timely manner," sabi pa ni Katigbak.

Nang tanungin ng PSN kung may nalabag na batas sa bagal ng pag-refund ng pera, sinabi naman ni Commission on Elections spokesperson James Jimenez na hindi sila nangingialam doon.

"COMELEC rules do not deal with refunds at all. [R]efunds are governed by the agreement between the contracting parties — something COMELEC is not privy to."

Gayunpaman, humingi ng paumanhin si Katigbak sa pag-eere ng anti-Duterte ads ni dating Sen. Antonio Trillanes imbis na iere ang lahat ng Duterte commercials.

"We're sorry if we offended the president, that was not the intention of the network. ABS does not and will not have its own political agenda," sabi niya.

Ayon naman kay presidential spokesperson Salvador Panelo, nakay Duterte na ang desisyon kung tatanggapin niya ang sorry— Philstar.com intern Krizzia Mae Furio, James Relativo at The STAR/Alexis Romero

Show comments