DOJ: 'Provisional authority' pwede ibigay ng NTC sa ABS-CBN para makapag-operate
Manila, Philippines — Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra, Lunes, na maaaring pagkalooban ng provisional authority ng National Telecommunications Commission ang ABS-CBN upang makapagpatuloy ng operasyon.
'Yan ang ibinahagi ng kalihim matapos tanungin ni Senate committee on public services chairperson Sen. Grace Poe kung pwedeng bigyan ng pansamantalang permit ang Kapamilya network habang dinidinig pa ang renewal ng kanilang prangkisa.
Sabi ng DOJ, maaari itong ibigay sa ABS-CBN upang manatili sa ere basta't ipag-uutos ng Konggreso.
"Pwedeng i-authorize ng Konggreso ang NTC, sa pamamagitan ng concurrent resolution, para maglabas ng provisional authority... sa ABS-CBN at iba pang entities, para payagan silang mag-operate," sabi ni Guevarra sa Inggles.
Bukod dito, sinabi rin niyang sa ika-4 ng Mayo pa talaga ang expiration ng prangkisa at hindi sa ika-30 ng Marso.
"Sa ilalim ng [Republic Act] 7966, walang pumipigil sa ABS-CBN sa pag-ooperate kahit mapaso pa ang kanilang prangkisa basta't nakapaghain na ng application," sabi pa ng kalihim sa Inggles sa ulat ng DZMM.
Nagawa na para sa ibang franchisee
Dagdag pa ng NTC, maaaring mapalawig ang prangkisa ng network kung dadaan ito sa joint resolution.
"Ito ang mga halimbawa na habang hindi pa tapos ang pagdinig sa kanilang prangkisa, ay binigyan sila ng pagkakataon mag-operate," banggit ni Poe, habang tinutukoy ang GMA-7, TV5, Smart, Globe at iba pang network at telcos.
Sa kabila nito, sinabi ni NTC commisioner Gamaliel Cordoba na pwedeng bawiin ang provisional authority anumang oras basta't mapaso na ang legislative franchise.
"Dahil wala nang prangkisa, pwedeng i-withdraw ang provisional authority ngunit saklaw pa rin ng ilang kondisyon," dagdag ni Cordoba.
Gayunpaman, wala pa naman daw pagkakataon na nabawi ang provisional authority.
Kasalukuyan ding humaharap sa isang quo warranto petition ang ABS-CBN nang hilingin ni Solicitor General Jose Calida na bawiin ng Korte Suprema ang kanilang prangkisa dahil daw sa "dayuhang pagmamay-ari" at "kawalan ng permit ng KBO channel."
Samantala, kinumpirma naman ni Palawan Rep. Franz Alvarez, chairman ng House committee on legislative franchises, na sisimulan na nilang mangolekta ng position papers mula sa mga mambabatas na tutol at pabor sa franchise renewal ng kumpanya.
- Latest