MANILA, Philippines — Darating na bukas sa bansa ang daan-daang mga Pinoy na sakay ng Diamond Princess cruise ship mula sa Japan.
Sa kanyang tweet, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na ang announcement ay kasunod ng naunang abiso tungkol sa pagkakaantala ng planong pagpapauwi sana sa mga ito kahapon upang makumpleto ang mga laboratory tests at pagsunod sa quarantine protocols.
Nabatid na humingi rin ng tawad ang Japan makaraang payagang makaalis ang 23 na pasahero nang hindi nasusuri.
Hinihintay na lamang ng mga Pilipino ang resulta ng pagsusuri sa kanila.
Sinabi ni Locsin na agad na dinala sa ospital ang mga nagpositibo at nagpapasalamat din sila sa gagawing repatriation ng Japan sa Martes.
Ang Diamond Princess cruise ship vessel, na nakadaong sa Japanese coast ang may pinakamalaking bilang ng naapektuhan ng coronavirus infections sa labas ng Chinese epicenter, na may 600 kumpirmadong kaso mula sa 3,700 passengers at crew.
Kasabay nito, sinabi ng health department na nasa 460 hanggang 480 Pinoy na sakay ng cruise ship ang humingi ng tulong upang makauwi ang mga ito sa bansa.
Sa ngayon, 52 Pilipino ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 kung saan isa sa mga ito ang gumaling na.
Nananatili pa rin sa tatlo ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Samantala, umabot na sa 608 ang ‘patients under investigation’ (PUI) na posibleng apektado ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.
Sa nasabing bilang, 131 ang naka-confine sa ospital at 474 na-discharge na.
Pinakamarami pa ring naitalang PUIs sa National Capital Region.