MANILA, Philippines — Tuturuan ng sign language ang nasa 200 Persons with Disability (PWDs) sa Pasig City.
Ang programa ay ipatutupad sa Barangay San Antonio, Pasig, kasunod nang paglagda ng memorandum of agreement (MOA) nina Barangay Chairman Raymond Lising at Pia Anne Gonzales-Jacinto, kinatawan ng DEAFED Training and Assessment Center.
Makikinabang sa programa ang may 23 menor-de-edad; 166 adults at 11 senior citizen na pawang residente ng Brgy. San Antonio.
Sa ilalim ng kasunduan, mabibigyan ng awtoridad ang barangay na magkaroon ng mga programa, proyekto at mga aktibidad na ipapaskil at ide-deliber sa social media upang ma-access at maunawaan din ang mga ito ng mga PWD.
Magdaraos din ng mga training para matuto maging ang mga barangay employees ng sign language upang maging mas madali para sa kanila ang pakikipag-komunikasyon sa mga PWDs.
Binigyang-diin ni Lising na ang sign language ay isang napakahalagang communication tool para sa maraming taong may diperensiya sa pandinig kaya’t nagpasya silang ipatupad ito sa kanilang barangay.
Ang bagong programa ng barangay ay alinsunod sa Republic Act 11106 o The Filipino Sign Language Act, na pagtalima sa United Nations Convention on the Rights of PWDs.