MANILA, Philippines — Isang moderno at state-of-the-art na basketball arena na kasya ang mahigit sa 3,000 manonood at nagkakahalaga ng P200 million ang nakatakdang ipatayo sa Palayan City, Nueva Ecija.
Ayon kay Palayan Mayor Rianne Cuevas, ang world-class basketball arena ay siya ring magiging “home arena” ng Nueva Ecija Rice Vanguards basketball team ng Palayan City, isa sa mga koponan na naglalaro sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
“Bukod sa magiging home arena ito ng Nueva Ecija Rice Vanguards, magiging venue rin ito ng iba pang sporting events hindi lamang ng MPBL, maging mga national volleyball tournaments, badminton games, boxing , at iba pang katulad na mga event,” ani Mayor Cuevas.
Iginiit naman ng alkalde na hindi lamang taga-Palayan ang maaring gumamit ng arena kundi lahat ng mga Novo Ecijanos.
Ang ultra-modern basketball facility ay popondohan ng private investors. Ngayong Marso 2020, isasagawa ang ground breaking ceremony para sa arena habang inaasahan namang matatapos ang proyekto sa last quarter ng 2020.
“Magkakaroon ang Novo Ecijano ng facility kung saan maari silang mag-ensayo, magpa-liga ng mga sporting events at maging host na rin ng mga national tournaments. Maari rin magsagawa ng mga concert at iba pang events dito,” pahayag pa ng Alkalde.
Naisip ni Mayor Cuevas ang proyekto at agad na humanap ng mga investor matapos mai-award ang MPBL franchise sa Nueva Ecija nitong December 2019.