MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na bilisan ang proseso ng rehabilitasyon ng Marawi City sa pamamagitan ng pagtutulungan ng rehabilitation team at ng lahat ng concerned national agencies, local government units at stakeholders.
“Wala nang sapat na rason upang hindi makabangon ang Marawi dahil may mga nakalaang pondo at may mga donasyon. Suportado rin ng Pangulo ang bawat aksyon na may kinalaman sa rehabilitasyon,” ang paliwanag ni Go sa isinagawang pagdinig.
Naglunsad ng special hearing sa Mindanao State University–Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) sa Iligan City nitong Huwebes ang Senate Special Committee on Marawi Rehabilitation na kinabibilangan niya.
Higit dalawang taon na ang nakalilipas nang matapos ang Marawi siege noong October 2017. Ayon kay Go, naghihintay si Pangulong Rodrigo Duterte ng konkretong resulta o bunga ng ibinigay na suporta ng pamahalaan at mga donasyon mula sa international community para muling maibangon ang Marawi.
Anang senador, maraming isyu na dapat mabigyan ng kagyat na kasagutan, kabilang na ang mga tanong kung paano ginamit ang rehabilitation budget at kung nagkaroon ba ng maayos na konsultasyon sa komunidad.
Sinabi ni Go na tulad niya, ayaw ni Pangulong Duterte na may mga proyektong hindi natatapos, lalo ang Marawi rehab at pagdating ng panahon ay magkaroon ng sisihan ang mga taong may kinalaman dito.
“Ayaw kong makita na magsisihan tayo dahil walang nangyari at walang natapos. ‘Yan ang ayaw nating mangyari!” sabi niya.
Dismayado ang senador dahil sa nakita niyang mabagal na rehabilitasyon ng mga bahay sa isang subdibisyon na para sa Maranaos na naapektuhan ng 2017 siege.
Aniya, maraming Maranaos ang nananatili sa Metro Manila habang hinihintay na matapos ang kanilang mga bahay sa lungsod upang makapagsimula ng panibagong buhay sa kanilang bayang tinubuan.