Chinese workers na nakinabang sa ‘pastillas’ modus ipapa-deport
MANILA, Philippines — Ipapa-deport ang mga Chinese workers na illegal na pumasok sa bansa at nakinabang sa “pastillas” modus sa airport.
“Basta ‘yung mga iligal pababalikin natin sa pinanggalingan nila. Basta may iligal na ginawa, ang presidente natin palaging (sinasabi) ipatupad ang batas,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Matatandaang humarap sa pagdinig sa Senado si Immigration officer Allison Chiong na nagsiwalat na hindi na dumadaan sa tamang proseso ang mga Chinese na ang mga pangalan ay nakatimbre na sa BI. Pinangalanan din niya ang naturang mga opisyal.
Bunsod nito, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak sa lahat ng opisyal at empleyado ng BI na sangkot sa nasabing modus.
Iimbitahan ng komite ni Sen. Risa Hontiveros ang ilan sa mga pinangalanang opisyal na sabit sa “pastillas” scheme.
Sinasabing lumaganap ang krimen sa pagsulpot ng POGO industry sa bansa kabilang na ang prostitusyon, kidnapping ng kapwa nila Chinese workers at tax evasion.
- Latest