MANILA, Philippines — Binigyan ng limang araw ng Korte Suprema para magsumite ng komento ang ABS-CBN Corporation at subsidiary nito na ABS-CBN Convergence Inc. kaugnay sa petisyon ng Office of the Solicitor General na humihirit ng gag order.
Ayon kay Supreme Court spokesman Atty. Brian Keith Hosaka, ito umano ang pasya ng En Banc makaraang matanggap ang urgent motion para sa gag order ng SolGen kahapon ng umaga.
Sa Very Urgent Motion for Issuance of Gag Order ni Solicitor General Jose Calida, hiniling ni Calida na maglabas ng gag order ang Korte Suprema para pagbawalan ang mga partido o mga indibidwal na kumakatawan sa ABS-CBN na maglabas ng anumang statement na tumatalakay sa merito ng prangkisa ng naturang kumpanya.
Ayon sa OSG, hinihinalang nag-”engaged in propaganda” ang ABS-CBN matapos maglabas ng pahayag ang network.
Nilinaw naman ni Hosaka na ang gag order ay hindi lang para sa ABS-CBN kundi para rin sa Solicitor General na nagsampa ng kaso.
Sinabi rin ni Hosaka na ang paghahain ng komento ng ABS-CBN ay bahagi ng due process at upang mabigyan sila ng pagkakataon na makapaghayag ng posisyon ukol sa petisyon.
Sa susunod na linggo, ang En Banc session ng Supreme Court ay gagawin sa Miyerkules dahil holiday sa Martes o selebrasyon ng EDSA People Power Revolution.