MANILA, Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng pulisya kasunod ng pagkakaaresto sa dating lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Rodolfo Salas alyas Kumander Bilog sa raid sa Angeles City, Pampanga kahapon.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 3 Director Police Brig. Gen. Rhodel Sermonia, bandang alas-5:50 ng umaga nang arestuhin si Bilog, 72, ng anim na units ng pulisya kabilang ang kanilang elite troops sa Doña Carmen St., Mountainview, Balibago, Angeles.
Ito’y sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Thelma Bunyi Medina ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 noong Agosto 28, 2018 sa 29 counts ng murder kaugnay ng malagim na Inopacan massacre sa Leyte na isinagawa ng NPA rebels noong dekada 80.
Hindi na nagawang makapanlaban ni Bilog matapos itong mapalibutan ng arresting team.
Nakumpiska mula rito ang isang cal. 45 pistol, 174 rounds ng bala at dalawang magazine ng cal .45 pistol.
Magugunita na si Salas ay unang nasakote noong 1986 na nabigyan ng amnestiya ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Muli itong nasakote matapos ang walong taon.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal si Bilog at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.