Prangkisa ng ABS-CBN diringgin ng Senado, hindi na aantayin ang Kamara
MANILA, Philippines — Nakatakdang maglunsad ng pagdinig ng Senado hinggil sa pagpapanibago ng legislative franchise na ibinibigay sa ABS-CBN, pagkukumpirma ni Sen. Grace Poe, Lunes.
Mahigit-kumulang isang buwan na lang ang nalalabi bago mapaso ang prangkisa ng 'Kapamilya' network, na nakatakdang matapos sa dulong bahagi ng Marso 2020.
"Nagpalit na ang isip ko, didinigin na natin mismo ang prangkisa... we expect our representatives to act in a timely manner," sabi ni Poe, chairperson ng Committee on Public Services, sa isang pahayag.
Hindi pa rin kasi naipapadala ng Kamara ang kanilang bersyon ng bill hanggang sa ngayon dahil hindi pa nila ito naipapasa.
Aniya, ginawa na rin naman na ito kaugnay ng national budget at ilang tax measures.
Nasa 12 araw ng sesyon na lang ang natitira bago mag-adjourn ang Konggreso sa ika-14 ng Marso habang nangangailangan pa ng karagdagang oras para matalakay ang prangkisa ng ABS-CBN, sabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa kanilang Senate Resolution 11.
"Sa ika-30 ng Marso, 2020, mahigit 11,000 pamilya ang nanganganib mawalan ng trabaho habang milyun-milyong manonood ang maaapektuhan kung hindi natin agad-agad aaksyunan ang resolusyon na it," ani Drilon sa hiwalay na pahayag.
Paliwanag ni Poe, bersyon lang ng nakahaing panukala sa Kamara ang resolusyon ni Drilon. Dagdag pa niya, kinakailangang manggaling sa Mababang Kapulungan ang pagpapalawig ng prangkisa ng ABS-CBN, na itinuturing na pinakamalaking istasyon ng media sa Pilipinas.
Bagama't kaonting oras na lang ang natitira, hindi pa rin nakapagdidinig ang Kamara sa 12 panukala na nakatengga patungkol sa renewal ng kumpanya.
Imbestigasyon sa mga 'paglabag'
Isang linggo na ang nakalipas nang maghain ng resolusyon si Poe para magpatawag ng inquiry sa diumano'y mga paglabag ng ABS-CBN.
Ilan sa mga binanggit niya kaugnay nito ay ang mga reklamong ipinupulol ni Solicitor General Jose Calidia sa pamamagitan ng isang quo warranto petition.
Pagtitiyak ni Poe, maaaring pag-usapan sa Senado ang ilang isyung ibinabato ni Calida laban kumpanya.
Inirereklamo ng punong abogado ng republika ang ABS-CBN matapos daw nitong patakbuhin ang KBO Channel nang walang kaukulang permiso mula sa National Telecommunications Commission.
Naglabas din daw ang Dos ng Philippine Depository Receipts, na nagbibigay laya sa mga banyagang mamuhunan sa isang Pilipinong kumpanya, bagay na lumalabag daw sa Saligang Batas pagdating sa pagmamay-ari ng media.
Inilinaw 'yan sa Article XVI, Section 11. (1) ng 1987 Constitution:
"The ownership and management of mass media shall be limited to citizens of the Philippines, or to corporations, cooperatives or associations, wholly-owned and managed by such citizens."
Babala naman ni Sen. Panfilo Lacson, maaaring i-cite in contempt ng Korte Suprema ang mga gagamiting resource persons sa Sentate hearings kung simulan nilang talakayin ang mga isyung inilalatag ni Calida sa quo warranto petition para bawiin ang prangkisa ng network. — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag at sa News5
- Latest