MANILA, Philippines — Nagbunyi ang Department of Tourism sa pagdami ng bilang ng mga banyagang turista na bumisita sa Pilipinas, matapos nitong umabot sa 8.26 milyon noong nakaraang taon.
Nasa 8.2 milyon kasi ang taunang target na itinaya sa National Tourism Development Plan para sa taong 2016-2022.
"Hudyat ito ng panibagong milestone sa kasaysayan ng turismo, matapos malampasan ang walong milyong bilang," sabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa Inggles.
"Kailangan nating maipagpatuloy ito kahit na humaharap tayo sa mga hamon sa ibayong dagat."
Inilabas ang balita sa gitna ng patuloy na travel ban ng Bureau of Immigration sa mga naglalakbay mula sa iba't ibang bansa bunsod ng pagkalat ng nakamamatay na Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Naitala ang 15.24% pagtaas ng visitor arrival kumpara noong 2018 na 7.16 milyon lang.
Pinakamataas ang iniangat ng mga bumisitang dayuhan noong Agosto (27.54%) habang pinakamarami naman noong Disyembre sa bilang na 776,798.
"'High point' ito para sa Philippine tourism lalo na't naipakikita nito ang ating pakikiisa at pangakong mapatunayan na maaabot ang full potential nito bilang sustainable at inclusive economic activity," dagdag pa ni Puyat.
SoKor, Tsina nanguna
Kung titilad-tilarin, nananatiling nasa una't ikalawang pwesto ang Tsina at South Korea pagdating sa dami ng mga dayuhang bumibisita sa Pilipinas.
Patuloy na nangunguna ang Korea sa bilang na 1.98 milyon, na nakapagtala ng 22.48 na pagtaas kumpara noong 2018.
Mga Koreano ang pinakamaraming bilang ng turista sa bansa simula pa noong 2010.
Samantala, Tsina ang may pinakamalaking itinaas na poryento ng turista (38.58%), sa bilang na 1.74 milyon.
Kasama ang mainland China at mga probinsya nitong Hong Kong at Macau sa mga pinapatawan ng travel ban ng BI dahil sa paglaganap ng COVID-19 doon.
Umabot na sa 1,700 ang namamatay dahil sa sakit na nagmula sa Wuhan, China, na nakahawa na rin nang halos 70,000 katao.
Sumunod naman sa South Korea at Tsina pagdating sa tourist arrivals ang mga sumusunod:
3. Estados Unidos (1.06 milyon)
4. Japan (682,788)
5. Taiwan (327,273)
6. Australia (286,170)
7. Canada (238,850)
8. United Kingdom (209,206)
9. Singapore (158,595)
10. Malaysia (139,882)
11. India (134,963)
12. Germany (103,756)
Sa isang press briefing, Lunes, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na mapaparami pa lalo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga turista kung magtra-travel din ang pangulo.
"Sa tingin ko, oo. Magnet siya, naaakit ng presensya niya ang mga tao na pumunta sa isang pagtitipon," wika ni Panelo.
'Dagdag-bawas' sa travel ban
Dahil sa ipinatutupad na "Chinese travel ban," matatandaang inudyok ni Sen. Win Gatchalian ang mga Pilipino na suportahan ang lokal na turismo upang umagapay sa epekto nito sa ekonomiya.
Ilang araw na ang nakalilipas nang sabihin ni Puyat na pinag-iisipan na nilang tanggalin ang Macau at Hong Kong sa listahan nang may travel ban.
Samantala, katatanggal lang din ng ban sa mga turistang manggagaling ng Taiwan, na tinitignan din ng gobyerno bilang parte ng Tsina.
Pinag-aaralan pa ngayon kung ipapataw din ang pagbabawal sa mga manggagaling ng Singapore.