‘Diskwento Caravan’ umarangkada sa Quezon City
MANILA, Philippines — Inilunsad kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) at ni Quezon City Councilor Mikey Belmonte ang dalawang araw na ‘Diskwento Caravan’ na naglalayong makabili ang mga consumer ng mga pangunahing bilihin sa murang halaga.
Ang ‘Diskwento Caravan’ ay isinagawa sa Commonwealth Brgy. hall sa QC at tatagal hanggang ngayong araw.
“Producer to consumer market program ang ‘Diskwento’ na inooper ng DTI sa mga humihiling na LGUs kung saan ang kanilang mga constituent ay makabibili ng mga pangunahing bilihin sa mababang halaga”, ayon kay DTI Undersecretary for Consumer Protection Group Ruth Castelo.
Idinagdag pa nito na ang ‘Diskwento Caravan’ ay sa pakikipagtulungan kay Councilor Belmonte.
“Ito ay bilang Valentine offering ni Councilor Belmonte sa District 2”, dagdag pa ni Castelo.
Kabilang sa mga basic necessities na mabibili sa murang halaga ay mga canned sardines, gatas, kape, tinapay, instant noodles, detergent soap, bottled water at iba pa.
Habang ang mga prime commodities naman ay luncheon meat, meat loaf, corned beef, beef loaf, suka, patis , soy sauce, at iba pa.
Nakibahagi rin sa ‘Diskwento Caravan’ ang National Food Authority (NFA) na nagbenta ng well-milled rice sa halagang P27 kada kilo.
Nagbahagi rin ng mga murang gulay ang mga magsasaka sa Cordillera.
- Latest