Trillanes wala sa Pilipinas habang pinaghahanap ng batas
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na wala siya sa Pilipinas nang maglabas ng warrant of arrest para sa kanya ang korte.
"Nasa labas ako ng bansa sa ngayon para sa ilang engagements," paliwanag niya sa isang pahayag na ipinadala sa media sa Inggles.
Humaharap si Trillanes at 10 iba pa sa reklamong "conspiracy to commit murder" kaugnay ng mga diumano'y tangkang pagplaplano para pabagsakin ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay pa rin ito ng inilabas na "Ang Totoong Narcolist" videos na nag-uugnay kay Duterte, kanyang pamilya at mga kaalyado sa kalakalan ng droga.
Pero pagtitiyak ni Trillanes, hindi naman niya tatakbuhan ang kaso.
"[P]lano kong maghain ng piyansa pagbalik ng Maynila sa susunod na linggo. Haharapin ko ang kasong ito katulad nang pagharap ko sa iba pang inihaing kaso ng mga alipores ni [Pangulong Rodrigo] Duterte," sabi niya.
Matatandaang sinampahan din ng kasong libelo ni Davao City Rep. Paolo "Pulong" Duterte si Trillanes.
Si Paolo Duterte ay anak ng presidente, na labis na binabatikos ng dating senador.
- Latest