Warrant of arrest inilabas vs Trillanes, 10 iba pa dahil sa 'conspiracy to commit sedition'
MANILA, Philippines (Update 2, 3:07 p.m.) — Ipinaaaresto na sina dating Sen. Antonio Trillanes IV, kabilang ang ilang alagad ng Simbahan, dahil sa reklamong "conspiracy to commit sedition," ayon sa ilang nilabas na balita.
Kinumpirma na ng clerk ng Quezon City Metropolitan Trial Court branch 138 na inisyu ito laban kay Trillanes at 11 iba pa.
Kaugnay pa rin ito ng "Ang Totoong Narcolist" video series na inilabas laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, kanilang mga kaalyado at pamilya.
Matatandaang sinabi ng Department of Justice na nakakitaan nila ng "probable cause" para isakdal si Trillanes at ang sumusunod na 10:
- Peter Joemel Advincula (alyas Bikoy)
- Joel Saracho
- Boom Enriquez
- isang alyas "Monique"
- Yolanda V. Ong
- Vicente Romano III
- Fr. Albert Alejo
- Fr. Flaviano Villanueva
- Jonnel Sangalag
- Eduardo Acierto
Nakapaghain na ng piyansa sina Villanueva at Alejo at binawi na ang mga warrant laban sa kanila. Sinasabing nasa P10,000 ang bail.
Una nang nailusot sa reklamong sedisyon sina Bise Presidente Leni Robredo at 30 iba kaugnay rin ng parehong "destabilization plot" para pabagsakin diumano ang gobyerno ni Duterte.
Antayin ang mga karagdatang detalye sa balitang ito.
"[K]apag naglabas ng warrant of arrest ang korte, ibig sabihin naniniwala ang hukom na may probable cause laban sa akusado," sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Piyansa nina Gadon at Trillanes
Samantala, kinumpirma naman ni ni Larry Gadon, isang suspendidong abogado na humawak noon ng kaso ni Advincula, na hindi pa nila natatanggap ang warrant.
Sa kabila nito, boluntaryo naman daw siyang susuko at maaaring magpiyansa sa Lunes o Martes.
Una nang sinabi ni Advincula, na na-convict noon para sa swindling, na siya ang "Bikoy" na nagdiin sa pamilya nila Duterte sa "narcolist videos."
"...nasa safe house siya sa norte at kagagaling lang niyang Baguio at La Trinidad para lumabas sa pagbasa ng kanyang kaso sa La Trinidad, na binasura naman," wika ni Gadon.
Una nang sinabi ng ulat ng The STAR na may dalawang kaso si Advincula sa Baguio at Benguet dahil sa illegal recruitment at estafa pero hindi binanggit ni Gadon kung ano roon ang naibasura.
Bagama't isa si Advincula sa mga akusado, bumaliktad siya at piniling tumestigo.
Pinag-iisipan pa naman ng state prosecutors kung kikilalanin bilang "state witness" sa conspiracy to commit sedition si Advincula.
Kasalukuyan namang wala sa Pilipinas si Trillanes at sinabing magahahain siya ng piyansa sa darating na linggo pagdating ng Maynila. — may mga ulat mula kina Kristine Joy Patag at The STAR/Robertson Ramirez
- Latest