'Makatitipid kami': US payag bawiin ng Pilipinas ang VFA

"If they would like to do that, that's fine, we'll save a lot of money," sabi ni Trump sa mga reporters sa White House, ayon sa ulat ng AFP.
Donald Trump Campaign, File

MANILA, Philippines — Walang kaso kay United States President Donald Trump ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na putulin na ang ilang dekadang military pact na naglilinaw pagdating sa pag-ikot ng kani-kanilang sundalo sa dalawang bansa.

Saklaw din ng 1998 VFA ang legal framework na nag-oorganisa ng joint military exercises, katulad ng Balikatan Exercises.

"If they would like to do that, that's fine, we'll save a lot of money," sabi ni Trump sa mga reporters sa White House, ayon sa ulat ng AFP.

Una nang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na mawawala sa Pilipinas ang sari-saring US military aid at pondong aabot sa 52% ng kabuuang ibinibigay ng Estados Unidos sa Asia-Pacific kung puputulin ang VFA.

Taong 2016 pa nang ilutang ni Digong na gusto na niyang kumalas sa pakikipag-alyansang militar at ekonomiko sa Amerika at sa halip makipagkaibigan na lang sa Tsina at Rusya.

Enero nang magbanta si Duterte na tatapusin na ito matapos ikansela ng Amerika ang visa ni Sen. Ronald dela Rosa, na isa sa kanyang mga kaalyado.

Disyembre 2019 nang pirmahan ni Trump ang kanilang 2020 budget, na may probisyong magba-ban sa mga responsable sa "maling" pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima. Kaugnay din ito ng Global Magnitsky Human Rights Accountability Act, na nagpapataw ng "sanctions" sa mga lumalabag sa karapatang pantao.

Dating hepe ng Philippine National Police si Dela Rosa, na isa sa mga nanguna sa madugong "war on drugs" ni Duterte, na kumitil na sa buhay ng libu-libo — kabilang ang ilang inosente at menor de edad.

Kontrobersyal ang VFA sa Pilipinas dahil sa "special treatment" na ibinibigay nito sa sundalong Amerikano na gumagawa ng krimen sa Pilipinas, ayon sa mga militante at progresibong grupo.

Maliban dito, hindi kinakailangan ng mga US service men ng visa at pasaporte para makapunta ng Pilipinas bilang epekto ng kasunduan.

Sa kabila nito, nangangamba ang mga dumedepensa sa VFA dahil maaaring makompromiso raw nito ang kapasidad ng bansa na depensahan ng Pilipinas ang West Philippine Sea, na pinag-aagawan ng Pilipinas at Tsina. — may mga ulat mula sa AFP

Show comments