Duterte sa mga bumbero
MANILA, Philippines — Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na hindi lisensiya ng mga bumbero ang pagresponde sa sunog upang umabuso sa kalsada at paharurutin ang mga fire truck.
Sinabi ng Pangulo, dapat maging maingat pa rin ang mga bumbero sa pagpapatakbo ng fire truck sa pagresponde sa sunog.
Ginawang halimbawa ng Pangulo ang nangyari sa Davao kung saan napatay ang isang bata nang masagasaan ng fire truck dahil sa pagresponde sa sunog.
Ayon sa Pangulo, hindi sapat na basehan ang sunog para angkinin ng mga bumbero ang kalsada at maging hari ng daan.
Wika pa ng Pangulong Duterte, ang naturang babala ay umiiral din sa mga drayber ng ambulansya.
Hindi naman aniya makukuha sa bilis ng takbo ng ambulansya ang buhay ng pasyente.
Anya, mamamatay ang isang tao kapag oras na niya.
Pabiro pang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na dapat na magmadali ang mga drayber ng ambulansya kung ang sakay naman ay ang mga nabaril na masasamang loob dahil sa pangambang gumawa lang ulit ito ng masama sa kapwa kapag nabuhay pa.
Ayon pa sa Pangulo, nangangahulugan lamang ang sirena at blinker na tumabi ang ibang sasakyan dahil may rerespondehang emergency.