MANILA, Philippines – Tuluyan nang naipadala sa US Embassy ang notice of termination sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, natanggap na kahapon ng US Embassy ang notice na pirmado ni Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin.
Ayon kay Sec. Panelo, magiging epektibo ang pagpapawalang-bisa sa VFA makalipas ang 180 araw mula ng pagkakatanggap ng US government sa abiso.
Nauna rito, ibinunyag ni Pangulong Duterte na marami raw emissaries si US President Donald Trump na kumausap sa kanya para maisalba ang VFA pero desidido na ang Pangulo na ibasura ang kasunduan.
“Sabi ko ayaw ko. One is napakabastos ng Amerikano. Talagang sobrang bastos,” wika ng Pangulo.
Samantala, ikinalungkot ng mga senador ang naging hakbang ni Pangulong Duterte na tuluyan nang kanselahin ang VFA.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, sana ay may reserbang plano ang Pangulo sa anumang epekto ng pag-abandona sa kasunduan.
Para kay Sen. Panfilo Lacson, wala na tayong magagawa ngayon kundi ang magbilang ng nalalabing araw bago maging epektibo ang kanselasyon sa VFA.
Asahan na raw na mawawala na ang maraming bagay, kagaya ng intelligence information, US military aid at iba pa.
Umangal naman si Sen. Ronald dela Rosa sa ilang tila naninisi sa kaniya sa kanselasyon ng VFA.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na isa sa kaniyang rason sa pagbasura sa treaty ang pagkansela sa visa ni Sen. Bato, na siyang nasa likod ng anti-drug war dati ng administrasyon. Malou Escudero