MANILA, Philippines – Lumobo na sa mahigit 1,000 ang nasawi sa 2019 novel coronavirus-acute respiratory disease sa China.
Nasa 108 ang panibagong bilang ng mga namatay sa loob lamang ng isang araw kaya’t umakyat na sa 1,011 ang death toll sa nasabing deadly virus.
Umaabot naman sa 43,100 ang infected ng sakit, habang 6,495 o 19 percent ang nananatiling kritikal.
Gayunman, nasa 4,043 ang naka-recover na sa novel coronavirus.
Samantala, nakapagtala rin ng maraming dagdag na kaso ng 2019 nCoV-ARD sa Japan matapos magpositibo sa nasabing sakit ang 65 pang sakay nang naka-quarantine na cruise ship.
Dahil dito, nasa 161 ang kaso ng 2019 nCoV-ARD sa Japan.
Samantala, sa Singapore naitala ang 45 kaso ng nCoV-; 42 sa Hong Kong at apat pa sa United Kingdom kung saan naitala na ang 8 kumpirmadong kaso rito.
Sa Pilipinas, nasa 382 na ang persons under investigation (PUI) sa coronavirus, 266 rito ay naka-confine sa ospital habang 113 ang na-discharge na.
Pinakamaraming naitalang PUI sa National Capital Region na may 86, sumunod ang Central Visayas, 49 PUI at Central Luzon, 31.