MANILA, Philippines — Pumalag na ang ikalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas sa paghahain ng solicitor general ng quo warranto petisyon laban sa ABS-CBN para bawiin ang kanilang prangkisa.
Sa isang pahayag, Martes, sinabi ni Bise Presidente Leni Robredo na hindi na lamang ito isyu ng kalayaan sa pananalita, ngunit pang-aabuso na ng kapangyarihan.
"Kung nagagawa ito sa pinakamakapangyarihang network sa ating bansa, gaano pa katagal para magawa ito sa iba pang mas maliliit na network, sa mga pahayagan at sa istasyon ng radyo, at pati na sa sari-sarili nating mga social media feed, upang madiktahan tayo ng kung ano ang totoo at mahalaga?" wika niya.
Lunes nang ihain ni Solicitor General Jose Calida ang petisyon, matapos niyang banggitin na may isyu ng dayuhang pagmamay-ari ang istasyon, maliban sa pinatakbo raw ng Kapamilya Network ang channel na "KBO" nang walang permit sa National Telecommunications Commission.
Bagama't sinabi ni Calida na walang halong pulitika ang hakbang niyang ito bilang punong abogado ng gobyerno, duda rito si Robredo.
"Linawin natin: Taliwas sa karaniwang proseso ng pag-renew ng prankisa ang nangyayari. Panggigipit ito, ayon sa pansariling agenda ng iilang nasa poder," dagdag ni VP Leni.
"Pang-aabuso ito ng kapangyarihan."
Una nang sinabi nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang ginagawa ng solgen dahil tila pagtapak na raw ito sa kapangyarihan ng Konggreso na kapangyarihan nilang magkansela, magbigay at muling baguhin ang mga prangkisa ng mga media companies.
Hinikayat naman ng Bayan Muna party-list na kasuhan na lang ng OSG ang mga negosyo gaya ng Meralco, Maynilad at Manila Water, na labis daw maningil sa mga consumers, kaysa pahirapan ang mga "kaaway" ni Pangulong Rodrigo Duterte gaya ng ABS-CBN.
Dati nang sinabi ni Duterte na kung siya ang masusunod ay hindi niya hahayaang ma-renew ang franchise ng Kapamilya Network matapos diumanong hindi iere ng kumpanya ang kanyang mga patalastas noong 2016 presidential elections.
Iniugnay na rin noon ng Human Rights Watch ang mga banta ni Duterte laban sa network dahil sa pagbabalita nila hinggil sa gera kontra-droga.