MANILA, Philippines — Lima na ang Pilipino na may 2019 novel coronavirus (nCoV) sa Japan matapos magpositibo sa virus ang apat pang crew ng Diamond Princess cruiseship.
Katulad ng unang Pilipino na nagpositibo sa nCoV, ang apat ay mga crew members din ng Diamond Princess.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang mga pasyente ay ginagamot na sa ospital sa Japan.
Sinasabi ng DFA sa pahayag nito na, sa pamamagitan ng Philipppine Embassy sa Japan, nakumpirma na nagpositibo kamakalawa sa nCoV ang apat na Pilipinong lulan ng naturang barko.
Lahat ng sakay ng cruiseship ay sumasailalim sa quarantine at nakadaong sa Yokohama, Japan.
Patuloy pa ring nakikipagtulungan ang embahada sa mga awtoridad ng Japan upang mabigyan ng tulong ang iba pang Filipino na nasa barko.
Nasa 3,700 ang sakay ng cruiseship kabilang ang 530 Pinoy.
Samantala, pinaghahanap ng Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake news nitong weekend hinggil sa usapin ng nCoV.
Kasunod ito ng kumalat na infographics sa social media patungkol sa memorandum order umano ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magpapatupad ng mandatory quarantine para sa mga Pilipinong manggagaling sa mahigit dalawampung bansa.
Sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa media briefing sa Malacañang na inatasan na ni DILG Secretary Eduardo Año ang PNP-CIDG na hanapin ang mga nagpakalat ng maling impormasyon na nagdulot ng pagkabahala sa publiko.
Ayon kay Malaya, malinaw na nilabag ng mga nagpakalat ng infographics ang batas at ang cyber crime act kaya titiyakin ng gobyerno na maparusahan ang mga gumagawa ng pagkabahala sa publiko.