^

Bansa

Prangkisa ng ABS-CBN ipinababawi ng solgen sa Korte Suprema

Philstar.com
Prangkisa ng ABS-CBN ipinababawi ng solgen sa Korte Suprema
Ibinintang ng OSG na hinahayaan daw ng ABS-CBN na makapamuhunan sa kanila ang mga banyaga. Pinatakbo rin daw nila ang channel na "KBO" sa ABS-CBN TV Plus kahit na walang permit mula sa National Telecommunications Commission.
The STAR, File

MANILA, Philippines — Pormal nang hiniling ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na bawiin ang legislative franchise na tinatamasa ng media giant na ABS-CBN, na makailang-ulit nang nakatatanggap ng birada ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa istasyon, naghain ng "quo warranto petition" si Calida laban sa ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Convergence Inc., na subsidiary ng kumpanya

Ilan sa mga ibinatong paratang ni Calida sa himpilan ay ang "labag sa batas" na pakikinabang nila sa mga prangkisa sa ilalim ng Republic Act (RA) 7966 at RA 8332.

Tumutukoy ang naunang batas prangkisang nagpapahintulot sa operasyon ng ABS-CBN Corporation habang iginawad naman ng ikalawa ang prangkisa sa kanilang communications arm.

Hindi nagpaunlak ng tanong si Calida mula sa mga peryodista matapos itong ihain, ngunit iginiit niyang "walang halong pulitika" sa kanyang aksyon bilang punong abogado ng gobyerno ng Pilipinas.

Sa isang pahayag sa Inggles, sinabi ni Calida na: "Nais nating matigil ang mga nadiskubre nating abusadong gawi ng ABS-CBN na pinakikinabangan lang ng ilang gahaman sa kapinsalaan ng milyun-milyon nitong tagasunod. Ang mga gawain na ito ay hindi napapansin at ilang taon nang nababalewala."

Alinsunod sa Rule 66 ng Rules of Court, maaaring maghain ng quo warranto ang solicitor general laban sa mga "taong nang-aagaw, nanghihimasok sa, o humahawak ng posisyong pampubliko o prangkisa nang labag sa batas."

Maaari ring ihain ang petisyon sa mga asosasyon na nag-aastang korporasyon sa Pilipinas kahit na hindi ito "legally incorporated." 

Nakatakdang mapaso ang legislative franchise ng ABS-CBN sa pagtatapos ng Marso habang hindi pa rin naipapasa ang mga panukalang batas na humihiling ng renewal nito sa Kongreso.

Walang kinalaman si Duterte?

Sa ulat ng DZMM, na hawak din ng ABS-CBN, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na walang kinalaman si Duterte sa aksyon ni Calida.

"Ang pangulo, 'di nakikialam sa trabaho ng ibang departments and offices. Palagi niyang sinasabi, 'let the law take its course,'" paliwanag ni Panelo.

"Ang bawat heads ng departments, may kaniya-kaniyang tungkulin. Ang pangulo 'di nakikialam doon."

Disyembre nang sabihin ni Duterte sa mga may-ari ng ABS-CBN na ibenta na lang nila ang television network.

Dati na ring sinabi ni Digong na hindi niya ipa-re-renew ang prangkisa ng ABS-CBN kung siya ang masusunod sa dahilang hindi raw nila in-ere ang kanyang mga patalastas noong nangangampanya pa siya sa pagkapangulo noong 2016 kahit na bayad na ang mga ito.

Panghihimasok sa lehislatura?

Sa panayam naman ng ANC, sinabi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na panghihimasok ito sa karapatan ng Kongreso na maggawad at magbawi ng mga prangkisa.

"[H]inihiling ko na i-uphold ng Korte Suprema ang separation of powers at kinalanin ang exclusive jurisdiction ng Kongreso na magkansela, magbigay at muling baguhin ang mga prangkisa."

Sinabi rin niya na panggigipit sa kalayaan sa pamamahayag ang ginagawa ngayon sa ABS: "Naniniwala akong harassment ito sa ating press."

Sa panig naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, kwestyonable at nakababahala ang ginagawa ni Calida.

"Kongreso lang ang may kapangyarihan na magbigay o magkansela ng prangkisa," wika niya. Ni hindi pa rin daw sila nakapagsisimula ng mga pagdinig kaugnay ng renewal.

Wala pa namang inilalabas na opisyal na pahayag ang kumpanya kaugnay ng ginawa ng solicitor general.

'Banyagang pagmamay-ari'

Hindi pa isinasapubliko ang kabuuang kopya ng petisyon, ngunit sa pahayag na ibinigay sa media, ibinintang ng OSG na hinahayaan daw ng ABS-CBN na makapamuhunan sa kanila ang mga banyaga.

Nakasaad sa 1987 Constitution na tanging mga Pilipino lamang ang may karapatang magmay-ari at magpatakbo ng mass media.

"Katulad ng Rappler, nagbigay din ng Philippine Deposit Receipts ang ABS-CBN sa mga dayuhan gamit ang ABS-CBN Holdings Corporation, na paglabag foreign ownership restriction sa mass media," paliwanag ng OSG.

Ang PDDR ay nagbibigay ng "passive economic interest" sa mga dayuhan sa isang kumpanyang Pilipino.

Maliban diyan, sinabi rin ni Calida na inabuso ng Kapamilya network ang pribilehiyong ibinigay sa kanila ng estado nang i-launch ang pay-per-view channel na KBO sa ABS-CBN TV Plus kahit na walang permit mula sa National Telecommunications Commission. — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag

ABS-CBN

FREEDOM OF THE PRESS

JOSE CALIDA

LEGISLATIVE FRANCHISE

SOLICITOR GENERAL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with