NEW CLARK CITY, Philippines — Kasado na ang mga preventive measures sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Capas, Tarlac kung saan dinala ang 30 Pinoy na iniuwi ng bansa mula sa Hubei, China upang i-quarantine ng 14-araw.
Ito ang tiniyak ni DILG Secretary Eduardo Año sa gitna ng pagtutol ng lokal na pamahalaan ng Capas sa pagpapagamit ng New Clark City sa mga naturang repatriates, sa pangambang kumalat ang naturang virus sa kanilang lugar.?
Pinawi rin ni Año ang pangamba ng mga residente ng Capas dahil ginagawa naman aniya ng medical team ang lahat ng protective measures upang matiyak na hindi kakalat ang virus.
“They are also Filipinos that deserve our help and understanding. This is the time that we must help each other. There is no risk to the residents of Capas Tarlac. How could that be when they will not even see a glimpse or shadow of our OFWs in the athletes village,” dagdag pa niya.
Masusi rin naman aniyang isinailalim sa screening ang mga Pinoy bago sila tuluyang pinauwi ng Pilipinas upang matiyak na wala silang sakit.
Tinutulan ng ilang local officials at mga residente ang pagsailalim sa qurantine ng mga Pinoy mula Hubei dahil sa pangambang malagay sa peligro ang kanilang kalusugan dahil sa nCov.
Pumalag din ang local officials ng Capas dahil hindi sila kinonsulta sa nasabing desisyon ng DOH.
Ang Athlete’s Village ay nasa ilalim ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) at hindi sakop ng local government ng Capas.