30 Pinoy mula Wuhan balik Pinas

Lulan ang 29 adult at isang sanggol kasama ng 10-member ng repatriation team ng gobyerno ng chartered Royal Air Flight na lumapag sa Haribon hangar ng Philippine Air Force sa Clark, Pampanga dakong alas-7 ng umaga.
Rudy Santos/File

MANILA, Philippines — Dumating na sa Athlete’s Village sa New Clark City, Tarlac ang 30 Pinoy mula Wuhan, China.

Lulan ang 29 adult at isang sanggol kasama ng 10-member ng repatriation team ng gobyerno ng chartered Royal Air Flight na lumapag sa Haribon hangar ng Philippine Air Force sa Clark, Pampanga dakong alas-7 ng umaga.

Bago bumaba ng eroplano, muling sinuri sa thermal scanning ang mga repatriated OFWs.

Tumagal lamang ng higit 30 minuto ang eksa­minasyon sa mga Pinoy at agad isinakay sa dalawang coaster at idiniretso ang mga ito sa Athlete’s Village na kanilang magiging pansamantalang tirahan sa loob ng 14-araw na quarantine period.

Kasamang sasailalim sa 14-day mandatory quarantine ang repatriation team ng Pilipinas na binubuo ng Brave 5 ng DOH, Courages 3 ng DFA, at 2 consul maging ang anim na flight crew ng Royal Air.

Ayon kay Health Undersecretary Gerardo Bayugo, bibigyan ng tig-iisang kuwarto ang bawat naka-quarantine na Pilipino, maliban sa mga pamilya at 24-oras silang babantayan ng limang health personnel ng DOH.

Sasagutin din ng DOH ang gastusin ng mga ito kabilang na ang mga pagkain, hygiene kits at iba pang pangangaila­ngan gayundin magkakaroon sila ng access sa kanilang cellphones at internet para matawagan ang kani-kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas.

Ayon sa DFA, may 150 Pinoy sa Wuhan noong magsimula ang outbreak ng nasabing virus.

Unang inasahan na 50 Pilipino ang uuwi sa bansa.

Show comments