Sen. Go sa biro ni Digong
MANILA, Philippines — Aagad na klinaro ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na wala siyang planong tumakbong Presidente sa susunod na halalan sa 2022 matapos banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang palagi niyang pagbisita at pagtulong sa mga biktima ng sunog kasunod ng pagbibiro ng Chief Executive na siya na ang magiging kanyang “successor”.
“Maybe he wants to be president kasi lahat ng sunog nandoon siya. Parang… Saan si Bong? Medyo halata man masyado,” ang biro ni Duterte sa pagtatalumpati sa harap ng mga nanumpang bagong opisyal ng gobyerno sa Malacañang nitong Huwebes.
“Eh wala pang sunog nandoon ka na eh. Ikaw ata tiga-sindi. Nauna ka pa doon sa bumbero. Well, huwag mo masyadong sobrahan baka mahalata,” dagdag ng Pangulo.
Ngunit nilinaw ni Go, dating Special Assistant to the President, na wala siyang intensyon na maging successor ni Pangulong Duterte.
“Alam n’yo naman na mapagbiro ang ating Pangulo. But allow me to clarify, I have no plans of running for President. Hindi ko po inaambisyon iyan. Masaya na po ako na nabigyan ako ng pagkakataon na magserbisyo sa kapwa kong Pilipino,” sabi ni Go sa panayam ng media.
Ayon sa senador, ibinabalik lang niya sa taumbayan sa pamamagitan ng paglilingkod ang serbisyong dapat na iabot sa kanila, partikular na sa mga biktima ng sunog at iba pang uri ng kalamidad.
“Basta kaya lang ng oras at katawan ko, pupuntahan ko kayo para mapakinggan ang inyong hinaing at mabigyan ng pansin ang inyong mga pangangailangan,” ang sabi ni Go.
Aniya, ayaw muna niyang mapag-usapan ang tungkol sa pulitika sa pagsasabing mas mahalagang unahin ang pagseserbisyo sa publiko.
Gayunman, sinabi niyang bukas siyang tumulong sa sinomang mapipisil ng Pangulo na kanyang magiging successor.
“Pero kung tatanungin ninyo ako tungkol sa 2022 elections, I am willing to volunteer as campaign manager sa kung sinuman ang makakapagpatuloy ng pagbabago na inumpisahan ni Pangulong Duterte,” ani Sen. Go.
Nagsilbing aide ni Pangulong Duterte sa loob ng higit dalawang dekada, nagwagi sa pagtakbong senador si Go noong nakaraang taong midterm elections.
Hanggang ngayon, nananatili siyang palaging kadikit at kasama ni Pangulong Duterte sa pagbisita at pamamahagi ng ayuda sa mga biktima ng kalamidad, sa mga nasusugatang sundalo at sa iba pang okasyon.
Nangako rin siyang ipagpapatuloy ang mga sinimulang pagbabago ng Pangulo.