MANILA, Philippines — Pinalagan ng alkade ng Capas, Tarlac ang plano ng Department of Health na ilagak sa kanilang bayan ang mga overseas Filipino Workers na susuriin para sa nakamamatay na novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD), sa dahilang hindi sila kinunsulta.
Una nang sinabi ng DOH na ilalagay sa "Athlete's Village" ng New Clark City sa Tarlac ang mga Pilipinong babalik galing Hubei, China para sa dalawang linggong quarantine period.
"Bagama't totoong pabor ako... sa repatriation ng mga OFWs mula Hubei, China, nababahala kami na hindi isinama ng...DOH ang [lokal na gobyerno] ng Capas sa last-minute decision na gawing quarantine zone ang New Clark City para sa mga persons under monitoring (PUMs) na ito," sabi ni Capas Mayor Reynaldo Catacutan sa Inggles.
Kinikilala naman daw nila na ang Bases Conversion and Development Authority ang may kapangyarihan sa New Clark City.
Gayunpaman, nais daw nilang habulin sa gobyerno ang desisyong ito na hindi inilapit sa kanila.
"[A]ko, bilang mayor ng Capas, ay umaapela sa ngalan ng lahat ng Capaseños at sa ating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte na pumili ng ibang lugar para galing isolation area," dagdag pa ni Catacutan.
Matatandaang naging kontrobersyal ang New Clark City matapos gastusan nang milyun-milyon ang "kalderong" ginamit doon para sa 2019 Southeast Asian Games, maliban sa alegasyon na nagpalayas ng mga katutubo roon.
Mga pasyente 'limitado ang mapupuntahan'
Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang BCDA mismo ang nag-alok na gamitin ang mga pasilidad para sa nasabing kaparaanan.
Isang tao ang ilalagay kada silid, na sapat para sa tatlong tao, para sa kanilang kaligtasan at "convenience."
"Limitado ang paggalaw ng mga iqua-quarantine na tao sa nasabing gusali, at bibigyan sila araw-araw ng inihandang pananghalian sa loob ng pasilidad," dagdag ng kalihim.
Sabi ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay, nasa 45 OFWs na ang nagpahayag na nais nilang umuwi sa Pilipinas kasunod ng outbreak sa Tsina.
Bukas pa rin naman daw ang aplikasyon para sa mga nais magpa-repatriate sa konsulada ng Pilipinas sa Shanghai.
Umabot na sa 630 ang namamatay sa 2019-nCoV ARD matapos idagdag ang 69 na bagong casualties mula sa Hubei na pinagmulan ng sakit.
Kasalukuyang nagpapatupad ng temporary travel ban papasok ng Pilipinas ang mga flights mula mainland China, Hong Kong at Macau sa pagsusumikap ng gobyerno na pigilan ang pagdami ng kaso sa bansa.
Nasa tatlong kumpirmadong kaso na ng sakit — lahat mula sa mga Tsino — ang naitala ng DOH. Isa sa kanila ang namatay na.