MANILA, Philippines – Nakatakdang kausapin ni Sen. Bong Go ang Department of Budget and Management (DBM) para maglabas ng emergency funds na magagamit ng Department of Health.
Ito’y matapos humingi na rin ang DOH ng emergency funds para sa pagbili ng mga face mask at iba pang gamit na kailangan ng mga Health Workers at mga taong mababa ang resistensiya para hindi sila kapitan ng sakit na coronavirus.
Una rito, inatasan ni Go ang DOH na mabilis na hanapin ang iba pang pasahero ng eroplano na nakasama at nakasalamuha ng dalawang Chinese national na nagpositibo sa novel coronavirus.
Nais ni Sen. Go, na siyang chairman ng Senate Committee on Health na mailagay sa persons under investigation ang mga nakasama ng dalawa para mabatid kung nahawaan sila o hindi ng nCoV.
“This is the only way to control the spread of this disease galing doon sa dalawa and possibly nagdala ng Coronavirus sa ating bansa,” ani Sen. Go.
Sa ngayon ay tumutulong na rin sa DOH ang pamunuan ng Philippine Airlines, PNP-CIDG at iba pang ahensiya ng pamahalaan para mabilis na mahanap ang mga nakasabay ng dalawa sa eroplano.
Nangako naman si DOH Sec. Francisco Duque na gagawin ang lahat para mahanap at ma-account lahat ng pasahero ng eroplano at iba pang nakasalamuha ng dalawang Chinese.