Dahil sa 'Chinese travel ban', mga Pinoy inudyok suportahan ang lokal na turismo
MANILA, Philippines — Para umagapay sa pagkawala ng milyun-milyong turista mula ibayong-dagat dahil sa pagkalat ng novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD), hinimok ng isang senador ang mga Pilipino na suportahan ang lokal na industriya ng turismo sa bansa.
Kasalukuyang banned ang paglapag ng mga flights mula People's Republic of China (kasama ang mga rehiyon nitong Hong Kong at Macau) dahil sa banta ng nakamamatay na 2019-nCoV ARD.
Lumalabas na mga Tsino ang ikalawang pinakamaraming turistang bumibisita sa Pilipinas, na umabot ng 1,488,524 mula Enero hanggang Oktubre 2019, ayon sa Department of Tourism.
"Ito ang panahong dapat nating ipakita ang ating 'Bayanihan' para tulungan ang ating mga kababayan, na tinamaan ang kabuhayan bunsod ng travel ban," sabi ni Sen. Win Gatchalian sa isang pahayag sa Inggles, Huwebes.
"Kaysa mag-abroad ngayong taon, i-explore natin nang husto ang Pilipinas para mabago naman."
Sa taya ni Gatchalian, umabot daw sila sa 1,626,309 mula Enero hanggang Nobyembre, at gumastos nang hanggang P51 bilyon sa unang kalahati ng 2019.
Mga Tsino rin ang pinakamalaking bulto ng mga turistang bumisita ng bansa noong Abril.
"Maraming apektado sa travel ban, nandiyan ang mga bangkero, tour guides, mga ordinaryong vendor, lahat yan apektado kapag walang turista. Kaya imbes na magbakasyon tayo sa ibang bansa, dito na lang at matutulungan pa natin sila," ani Gatchalian.
Upang maisakatuparan ito, nanawagan din siya sa DOT na maglunsad ng agresibong kampanya para i-promote ang domestic destinations para matulungan ang maliliit na negosyante't abang manggagawa sa mga probinsya.
Ilan daw sa mga labis na tinamaan ng booking cancellations ang Negros Oriental matapos mapag-alamang nagtungo roon ang dalawang taong nagpositibo sa 2019-nCoV ARD.
Una nang sinabi ng ANZ Research na maaaring matapyasan ng 0.11 percentage points ang taunang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas bunsod ng 75% decline sa Chinese tourists, lalo na't sila ang kumakatawan sa 20.9% ng kabuuang foreign arrivals.
Bago magtapos ang 2019, sinabi ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na nakamit nito ang "all-time high" pagdating sa visitor arrivals, na pumalo sa 8 milyon noong Disyembre.
- Latest