MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Phivolcs na ninakaw ang ilang instrumento sa pag-oobserba ng Bulkang Mayon sa isang pahayag, Huwebes.
Napag-alaman daw ito ng Mayon Volcano Observatory personnel habang nagsasagawa ng kanilang "routine inspection" at "preventive maintenance service" noong Miyerkules.
"Dalawang solar panels, parehong 150 watts, ang ninakaw mula sa DOST-PHIVOLCS Mayon Resthouse (VMRH) station na humahawak sa mga kagamitan sa earthquake monitoring, Global Positioning System (GPS) at tiltmeter," sabi ng Phivolcs sa Inggles.
"Sa pagkawala ng pagkukunan ng kuryente, hindi makapagbabato ng datos mula sa istasyong ito at maaapektuhan ang pagmamanman sa Bulkang Mayon."
Ninakaw ang mga kagamitan matapos mamataan ang "crater glow" sa bunganga ng Mayon noong Martes, na nagpapakitang umaakyat ang magma.
Kasalukuyang nasa Alert Level 2, na nangangahulugang meron itong "moderate level of unrest."
Pinarurusahan ng Republic Act 10344 ang pagnanakaw ng mga government risk reduction equipment.
"Kaugnay nito mahigpit na hinihikayat ang publiko na tumulong sa pangangalaga ng ating monitoring instruments at agad na mag-ulat ng anumang maanomalyang insidente," panapos ng state volcanology department. — James Relativo