Tauhan ni Quiboloy na-trauma sa FBI raids
MANILA, Philippines — Matinding trauma ang inabot ng mga missionaries ng Kingdom of Jesus Christ sa Los Angeles at Hawaii compound sa United States matapos ang sorpresang pagsalakay ng mga armadong federal agents sa kanilang mga simbahan kaugnay ng bintang na nagsasagawa sila ng human trafficking at illegal fund raising.
Base sa mga interbyu, nasubuan umano ng mga maling impormasyon ang FBI na nagsasabing armado ang mga miyembro ng KJC at may mga taong minamaltrato sa loob ng mga compound nito.
Ilan sa mga misyonero tulad nina Annabelle Juarana, 45, at isang Kapitanna, 22, ang nagsabing winasak ng mga FBI agent ang kanilang pintuan, tinutukan sila ng mga baril na may red laser light, pinapila sila at pinosasan habang may umiikot na helicopter sa compound.
“Mga church missionaries lang kami, wala kaming baril o ano man. Wala kaming itinatago,” diin ni Kapitanna.
Puwersahan umano silang inipon sa labas ng worship center habang isinasailalim sa interograsyon at tinanong pa sila kung puwersahan silang nagsasagawa ng fund raising at kung kinumpiska ng KJC ang kanilang mga pasaporte. Maging ang mga matatanda o senior citizens nilang miyembro ay pinapila umano sa labas nang walang suot na jacket.
Kaparehong trauma ang sinapit ng kongregasyon sa Waipahu, Hawaii na kasabay na sinalakay ng may 50 FBI agents.
Ang pagsalakay ay isinagawa ng FBI sa Van Nuys gayundin sa mga compound ng KJC sa San Francisco, Delano,Virginia, Houston, Missouri, at New York. Ang magkakasabay na raid ay isinagawa base umano sa isinumiteng affidavit sa United States District Court ng ilang dating miyembro ng KJC.
Mahigpit nang itinanggi ng liderato ni Pastor Apollo C. Quiboloy, Executive Pastor ng KJC ang mga akusasyon at sinabing nag-ugat ito sa “grand conspiracy of lies concocted by men and women who were once part of KJC but struck an alliances with forces jealous of the meteoric rise of Pastor ACQ and the KJC.”
- Latest