MANILA, Philippines — Isang vlogger ang inaresto at ikinulong ng pulisya dahil sa mga ginawa niyang kalokohang senaryo sa isang mall sa pamamagitan ng pagpapanggap na meron umano siyang sakit na coronavirus (nCoV) kamakalawa ng gabi sa Legaspi City, Albay.
Kinilala ni Police Captain Dexter Panganiban, tagpagsalita ng Albay Provincial Police Office (PPO), ang suspek na si Marlon de Vera, isang aktibong vlogger o video blogger sa lalawigan at residente ng Purok 2, Brgy. Bigano ng lungsod.
Ang suspek ay nakatakdang ipagharap ng kasong alarm and scandal ng Yashano mall matapos na magpulasan ng takbo palabas ng mall ang mga shoppers dahilan sa ginawang kalokohang scenario at pananakot ng nasabing vlogger.
Bandang alas-6:00 ng gabi nang humilata si de Vera sa entrance ng mall habang nakasuot ng mask na itim, puting tshirt at maong na pantalon na umarte pang hinimatay matapos na magkunwaring nangingisay.
Ang pekeng scenario ay na-video pa ng kasamahan ng suspek at ilang saglit pa ay tumayo ang suspect saka nag-ehersisyo ng ilang dance step.
Kinamayan pa nito ang guwardya saka sinabing may taglay siyang nCoV kung saan bunga nito ay nag-panic ang mga shoppers na nagpulasan ng takbo para makalayo sa lugar sa matinding takot.
Nitong Lunes matapos na makalaboso ay humingi ng sorry ang suspek sa kanyang ipinosteng video dahil nais lamang umano niyang makapagpasaya sa gitna na rin ng kinatatakutang coronavirus.
“Natatakot ako sa mangyayari, nabalitaan kung kakasuhan ako ng may-ari ng mall, hindi ko naman akalain na ganito ang mangyayari sa pagbibiro ko, gusto ko lang magpasaya, lahat kasi takot sa (2019) nCoV virus,” sabi ng suspek.