'Temporary travel ban' mula probinsya ng Hubei sa Tsina iniutos ni Duterte

"Magpapatuloy 'yan hanggang matapos ang banta [at laging una ang] kaligtasan ng ating mga kababayan sa isip ng presidente."
AFP/Ted Aljibe, File

MANILA, Philippines — Pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang ipagbawal ang pagpasok ng mga bumabiyahe mula sa buong probinsya ng Hubei sa Tsina kung saan nagsimulang manalasa ang nakamamatay na novel coronavirus (2019-nCoV).

Kahapon nang kumpirmahin ng Department of Health ang unang kaso ng nCoV sa Pilipinas, na nagmula raw sa isang 38-anyos na babae mula sa Wuhan, China.

Ang ulat na 'yan ay kinumpirma na ni presidential spokesperson Salvador Panelo: "Sa rekomendasyon ni DOH Secretary Francisco Duque, naglabas na ng travel ban ang presidente sa Chinese nationals na manggagaling sa Hubei province sa Tsina kung saan nagsimula ang nCoV, pati ang iba pang mga lugar sa Tsina kung saan kalat ang sakit," sabi niya sa Inggles.

"Magpapatuloy 'yan hanggang matapos ang banta [at laging una ang] kaligtasan ng ating mga kababayan sa isip ng presidente."

Nasa 56 pasyente na ang iniimbestigahan sa Pilipinas para sa posibleng nCoV, sabi ni Ferchito Avelino, DOH epidemiology bureau head sa ulat ng CNN Philippines.

Una nang sinabi ni Sen. Christopher "Bong" Go na siya ang nagmungkahi ng temporary travel ban nang kausapin niya ang pangulo, kahit na DOH pala ang nagrekomenda.

Ika-28 ng Enero nang sabihin ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi pa nila nakikitang kailangan ang travel ban.

"Inaabisuhan natin ang ating mga kababayan na sundin ang mga mungkahi ng DOH na maging malinis sa pangangatawan bilang pag-iingat tulad ng paghuhugas ng regular na paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng surgical masks kung pupunta sa mga matataong lugar," dagdag ni Panelo.

Tila sinang-ayunan naman 'yan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto nang sabihin niyang magtayo ng "Great Wall" laban sa mga bisitang Tsino kasunod ng unang kumpirmadong kaso.

Ika-28 naman ng Enero nang suspindihin ng Bureau of Immigration ang kanilang visa upon arrival kasunod ng outbreak.

Nagdeklara na rin ng "public health emergency of international concern" si Tedros Adhanom Ghebreyesus, hepe ng World Health Organization sa patuloy na pagkalat ng nakamamatay na sakit.

"Ang pinakamalaking concern natin ay ang potensyal ng virus na kumalat sa iba pang bansa na may mas mahihinang sistemang pangkalusugan," si Ghebreyesus. — may mga ulat mula kay Jonathan de Santos at The STAR/Alexis Romero

Show comments