MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Malacañang na pagdedesisyunan pa ng korte kung saan ilalagay si US Marine Joseph Scott Pemberton oras na maputol na ang Visiting Forces Agreement, isang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na ipinate-terminate ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang nahatulang guilty si Pemberton sa salang homicide matapos mapatay ang Filipina transgender na si Jennifer Laude noong 2014. Wala siya sa normal na kulungan at nakapiit sa isang pasilidad sa Camp Aguinaldo na binabantayan ng American at Filipino security personnel dahil sa VFA.
"Depende pa sa korte. Court 'yun... Palaging court," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing sa Inggles, Huwebes.
Hindi pa naman masiguro ni Panelo kung ililipat sa normal na selda o mananatili si Pemberton sa Camp Aguinaldo: "Basta mananatili pa rin ang custody sa kanya dahil Philippine court ang nag-convict sa kanya."
"Kahit naman walang VFA, kakasuhan parin siya at hahatulan ng korte."
Humaharap sa anim hanggang 10 taong pagkakakulong si Pemberton nang walang piyansa — mas mababa sa unang hatol na hanggang 12 taon.
Matagal nang hinihiling ng grupong Gabriela na mailagay si Pemberton sa regular na selda imbis na mabigyan ng "special treatment" ng mga Amerikano sa loob ng kampo.
Ito ang ikalawang kasong kriminal sa Pilipinas na kinasasangkutan ng tropang Amerikano habang buhay pa ang VFA, kasunod ng "Subic rape case" na kinasangkutan ni Lance Corporal Daniel Smith.
Sinong may jurisdiction?
Sa ilalim ng VFA, isinusuko sa Amerika ng Pilipinas ang karapatan nito sa jurisdiction pagdating sa American personnel na lumalabag sa batas, maliban kung importante ito sa bansa:
"Recognizing the responsibility of the United States military authorities to maintain good order and discipline among their forces, Philippine authorities will, upon request by the United States, waive their primary right to exercise jurisdiction except in cases of particular importance to the Philippines."
Disyembre 2014 nang manindigan ang Estados Unidos na hindi nila ibibigay sa Pilipinas ang kostodiya ni Pemberton sa pamamagitan ng VFA, bagay na sinang-ayunan noon ng Department of Foreign Affairs.
Pero giit ni Panelo, ginawan na ito ng paraan ng Pilipinas: "Alalahanin natin na sinabi ng VFA na dapat wala tayong jurisdiction maliban na lang kung importante [sa Pilipinas]. Pero ginawa na natin 'yun," sabi niya.
Nang tanungin ang Malacañang kung okey lang sa kanila na sa Camp Aguinaldo pa rin si Pemberton, ito ang binanggit ni Panelo: "Eh kung mas safe siya doon eh. Kaya lang siya siguro nilagay doon because of his safety."
Subic rape case
Disyembre 2006 nang hatulang guilty ng Makati City Regional Trial Court si Smith, isang US serviceman, sa kasong rape.
Sinintensyahan siya ng reclusión perpetua, na hanggang 40 taong pagkakakulong. Dinala ni Smith ang kaso sa Court of Appeals.
Ilang araw matapos ilabas ang desisyon, inilipat siya sa Embahada ng Amerika batay sa kasunduan nina noo'y Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo at noo'y US Ambassador Kristie Kenney.
Noong Pebrero 2009, bumoto ang Korte Suprema sa paglipat kay Smith sa US Embassy ngunit hindi nila hininging isaoli siya sa otoridad ng Pilipinas.
Pagsapit ng Abril 2009, pinawalang-sala ng CA si Smith, hanggang sa siya'y makalaya't umalis ng bansa.
Dumulo ang isyu sa paghamon ng mga militante sa constitutionality ng VFA sa Korte Suprema, ngunit napagdesisyunang alinsunod pa rin ito sa Saligang Batas.