Kumpirmado: Unang kaso ng novel coronavirus naitala ng DOH sa Pilipinas
MANILA, Philippines (Update 2, 5 p.m.) — Kinumpirma na ng Department of Health ang unang kaso ng novel coronavirus (2019-nCoV) sa Pilipinas, Huwebes.
Sinasabing nagmula sa Wuhan, China ang 38-anyos na babae sa pamamagitan ng Hong Kong bago dumating Pilipinas, ika-21 ng Enero, 2020.
"Ngayon, kinukumpirma ng DOH na isang 38-anyos na Tsinong babae... ang nagpositibo sa novel coronavirus matapos dumating ang kanyang lab results mula sa Victorian Infectious Diseases Reference Laboratory sa Melbourne, Australia," sabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa Inggles.
"Ang pasyente ay kasalukuyang asymptomatic... wala siyang lagnat o anumang sinyales at sintomas na nagpapakitang may sakit siya sa ngayon."
Dito naitala ang 29 patients under investigation sa ngayon:
- Metro Manila (18)
- Mimaropa (1)
- Eastern Visayas (1)
- Central Visayas (4)
- Western Visayas (3)
- Davao (1)
- Northern Mindanao (1)
Nasa 23 PUI ang kasalukuyang naka-admit sa ospital habang lima sa kanila ang pinalabas na ngunit nasa "strict monitoring" pa rin.
Siniguro rin niyang patuloy na nagpapatupad ng precautionary measures ang DOH upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sa tala ni Rabindra Abeyasinghe, representante ng World Health Organization sa Pilipinas, umabot na sa 132 ang namamatay sa 2019-nCov, habang 6,065 na ang kumpirmadong kaso.
"Kung tinitignan natin ang mortality [rate], ang pinag-uusapan natin dito ay 3% deaths. Mas mababa ito kaysa sa mga naunang coronavirus infections," ani Abeyasinghe.
'Inaalam ang mga nakasama, pinuntahan'
Sinabi naman ni DOH Epidemiology Bureau chief Chito Avelino na kinuha na nila ang flight details na sinakyan ng pasyente: "[K]ung ano yung mga flight carriers na sinakyan ng pasyente at kung saan pumunta."
Dagdag pa ni Avelino, nakikipag-ugnayan na raw sila sa Center for Health Development Region 7 (Central Visayas) para silipin ang mga lugar na pinuntahan nila.
Ilan sa mga pinuntahang lugar daw ng pasyente ang Cebu at Dumaguete.
"Gagawin natin ang 'rules of 4,' apat na pasahero sa harap, likuran at magkabilang lugar. Kokontakin natin ang mga pasahero at sasabihan sila," wika pa ni Avelino.
Sisilipin din daw nila ang mga establisyamentong pinuntahan nila at mga empleyadong nakasalamuha nila.
Temporary restriction
Samantala, sinabi naman ni Duque na irerekomenda na niya ngayon ang pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga nanggaling sa buong Hubei Province ng China sa Pilipinas.
""Pero naniniwala akong magbabago pa 'yan... pwede pang lumawak... 'yung bilang ng mga lugar," sabi ng kalihim ng DOH.
"Aantayin natin ang assessment ng WHO at rekomendasyon kung idadagdag pa sa listahan ang mga lugar na may mataas na bilang ng nCoV."
- Latest