DOH: Inoobserbahang pasyente sa posibleng nCoV umakyat sa 24
MANILA, Philippines (Update 2, 3:44 p.m.) — Inilahad ng Department of Health na mahigpit nilang sinusuri ngayon ang 24 katao kaugnay ng kinatatakutang novel coronavirus (2019-nCoV), Martes.
Sa kabila nito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na wala pa ring kumpirmadong kaso ng nCoV sa ngayon.
Lahat aniya sa mga nabanggit ay may travel history sa Wuhan, China, na pinagmulan ng peligrosong sakit.
Karamihan sa mga pinagsususpetyahang kaso ay Tsino, habang wala pa namang Pilipino sa mga sinusuring pasyente.
Nasa 4,515 na ang kumpirmadong kaso ng nasabing coronavirus sa buong mundo, habang 106 ang patay, sabi ni World Health Organization Philippines director Rabindra Abeyasinghe.
Lahat ng namatay sa sakit ay nasa Tsina: "Ang mortality rate ay nananatiling mas mababa sa 3%," dagdag ni Abeyasinghe.
Tatlo sa 27 unang iniimbestigahan ang na-discharge na mula sa ospital, dahilan para maging 24 na lang ang sinusuri: "Lumalabas sa laboratory results nila na ibang sakit ito," ani Duque sa Inggles.
Ilan sa mga suspected cases ay natagpuan mula sa:
- Metro Manila
- Western Visayas
- Central Visayas
- MIMAROPA
- Eastern Visayas
- Northern Mindanao
Kasalukuyan namang inaantay ng DOH ang local test restuls ng 13 katao mula sa Research Institute for Tropical Medicine, habang anim na confirmatory test results naman ang hinihintay mula sa Australia.
Kaninang umaga nang isuspindi ng Bureau of Immigration ang pasilidad ng "visa upon arrival" dahil sa banta ng sakit.
Dagdag pa ng DOH, maaaring magpamalas ang mga sintomas ng viral infection 10 araw hanggang dalawang linggo matapos maiharap sa 2019-nCoV.
Wala pa naman daw ebidensyang kayang maipasa ang novel coronavirus ng mga taong hindi pa nakakakitaan ng sintomas.
Ipinaliwanag din ng Kagawaran ng Kalusugan na sapat na ang karaniwang surgical mask para sa publiko, at tanging mga nag-aalaga ng sakit ang nangangailangan ng N-95 masks.
Pwedeng mapauwi
Samantala, sinabi naman ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay na maaari namang ma-repatriate ang mga Pilipinong nasa Wuhan, ngunit kinakailangan muna nilang sumailalim sa quarantine sa loob ng 14 araw.
"Gusto nating gawin ito sa pinakamabilis na paraaan. Ang pinagpipiliang scenario ay by air o by land," ani Dulay.
Pagtitiyak ni Duque, sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastusin para sa quarantine measures ng mga Pinoy, kabilang ang pagkain at mga gamot.
"Kailangan tayo ang gumastos para sa lahat nang 'yan. Sigurado. Bilang parte ng quarantine measures, kailangan natin silang i-sustain sa kabuuang 14 araw na isolated sila," sabi ng kalihim ng DOH, habang tinitiyak ang pondong gagamitin.
Sinasabing nasa 300 Pilipino ang nasa probinsya ng Hubei at 150 ang nasa Wuhan. Ngayong araw pa lang daw malalaman kung ilan sa bilang na 'yan ang ire-repatriate.
Kahapon nang isiwalat ni Sen. Christopher "Bong" Go na nasa 30 hanggang 50 Pilipino na mula sa naturang lungsod ang nagsabing gusto nilang umuwi ng Pilipinas dahil sa takot na mahawa roon.
- Latest