Nasa 50 Pinoy sa Wuhan, China nais makauwi ng bansa dahil sa banta ng nCoV
MANILA, Philippines — Mahigit apat na dosenang Pilipino na mula sa Wuhan, China ang nagmamakaawang mapabalik ng Pilipinas kasunod ng pagkalat ng kinatatakutang novel coronavirus (2019-nCoV) sa Tsina, ayon sa isang senador.
Ayon kay Senate Committee on Health chair Sen. Christopher "Bong" Go, isiniwalat sa isang "high-level meeting" ng Departments of Health at Foreign Affairs kanina na nasa 30 hanggang 50 Pilipino roon ang nais lumikas mula sa sakit.
DFA Meets with DOH Officials, Experts on Measures to Protect Overseas Filipinos from Coronavirus Threat: https://t.co/zFYsZtqaef
— DFA Philippines (@DFAPHL) January 27, 2020
The @DFAPHL convened an emergency meeting today w/ health experts & DOH officials to discuss strategies to properly respond to the health emergency. pic.twitter.com/bfCUlja0NR
"Handa ang ating gobyerno na magpadala ng eroplano pero ang problema kung papayag ang China," pahayag ni Go sa media, Lunes.
Una nang sinuspindi kasi ng Tsina ang lahat ng outward flights at train rides palabas ng lungsod na pinagmulan ng nakamamatay na sakit, sa pagsisikap ng Chinese government na mapigilan ang pagkalat nito.
Iminungkahi naman ni Health Undersecretary for Public Health Services Myrna Cabotaje sa mga overseas Filipinos doon na gawin ang mga sumusunod para mapababa ang posibilidad na mahawa:
- iwasan ang matataong lugar
- gumamit ng mask at gwantes
- maging malinis sa pangangatawan
"Nakikipag-ugnayan din ito [DFA] sa mga Filipino communities sa pagtawag sa mga volunteer nurses at doctors na maaaring maglingkod bilang 'first responders' para sa mga [OFWs] sa mga nasabing lugar," sabi pa ng ahensya ng foreign affairs.
Kasalukuyang nasa 56 na ang namamatay mula sa 2,024 kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV, na pare-parehong naitala sa Tsina.
Nasa 11 pasyente na sa Pilipinas ang patuloy na inooberbahan matapos makakitaan ng ilang sintomas ng sakit, sabi ng DOH kaninang umaga.
Itinaas na rin ng gobyerno ng Hong Kong sa pinakamataas na antas ng kanilang "emergency response level" dahil sa health impact ng nasabing infection sa populasyon.
Ilang araw na ang nakalilipas nang kumpirmahin ng Civil Aviation Board at Civil Aviation Authority na pababalikin ng Wuhan ang nasa 500 turista mula roon na lumipad patungong Pilipinas. — may mga ulat mula sa News5
- Latest