DOH: 11 pasyente inoobserbahan para sa nCoV, wala pang kumpirmadong kaso

Ito ang tiniyak kahapon ni Health Undersecretary Eric Domingo, sa gitna ng pag-aantabay sa magiging resulta ng pagsususuri ng specimen samples ng isang 36-anyos na lalaki na dumating sa Tacloban mula sa Wuhan, China at isang 5-taong batang lalaki sa Cebu, na nagmula umano sa central Chinese City.
AFP/Roslan Rahman

MANILA, Philippines — Inilinaw ng Department of Health wala pa ring kumpirmadong kaso ng novel coronavirus (2019-nCoV) sa Pilipinas ngunit malapit nang umabot sa isang dosena ang kasalukuyang tinitignan kaugnay ng kinatatakutang sakit.

"Wala pang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa bansa," sabi ni Health Secretary Francisco Duque sa isang press briefing sa Inggles, Lunes.

Sa kabila nito, patuloy daw na umaakyat ang mga binabantayang pasyente na nakakitaan ng sintomas ng nakamamatay na sakit.

Ang mga pasyente ay nasa Lungsod ng Muntinlupa; Lungsod ng Pasay; El Nido, Palawan; Mambajao, Camiguin; Kalibo, Aklan; Lungsod ng Tacloban, Leyte; at Lungsod ng Cebu, ayon kay Duque.

Metro Manila

  • 78-anyos, lalaki (Asian Hospital)
  • 44-anyos, lalaki (Adventist Medical Center)

MIMAROPA

  • 10-anyos, babae

Western Visayas

  • 32-anyos, babae (Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital)
  • 6-anyos, lalaki (Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital)
  • 24-anyos, babae (Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital)

Eastern Visayas

  • 38-anyos, lalaki (Tacloban City Hospital)

Central Visayas

  • 5-anyos, lalaki (Vicente Sotto Memorial Medical Center)
  • 18-anyos, babae (Vicente Sotto Memorial Medical Center)
  • 61-anyos, babae (Allied Experts Medical Center)

Northern Mindanao

  • 29-anyos, lalaki (Camiguin General Hospital)

Kasama sa mga nabanggit ang ilang Tsino, Brazilian at Amerikano, sabi pa ni Duque.

Ilan sa 11 na inoobserbahan ay nakalabas na raw mula sa ospital habang ang iba ay pinro-proseso pa ang release.

Umabot na sa 56 ang namamatay sa 2,024 kaso ng 2019 n-CoV, lahat mula sa Tsina.

Binalaan din ng DOH ang publiko na huwag magkakalat ng maling balita tungkol sa n-CoV: "Huwag kayo basta basta maniniwala sa nababasa sa social media na walang basehan."

Mungkahi naman ni Education Secretary Leonor Briones, mainam na magsagawa ng "make-up classes" ang mga eskwelahang suspendido dahil sa banta ng sakit.

Sa kabila nito, hindi pa naman daw kailangan na mawalan ng klase dahil sa novel corona virus, sabi ni Duque.

'Huwag kumain ng hilaw'

Binalaan naman ng kalihim ng Kagawan ng Kalusugan ang publiko na umiwas mula sa pagkain ng mga hilaw na pagkain, lalo na't health risk ito sa ngayon.

"'Yung mga kilawin, itigil muna natin 'yan kasi maraming mikrobyo 'yan," dagdag niya.

Hangga't maaari, iwasan daw muna ang pakikipagkamay at pakikipagbeso-beso kung kani-kanino. 

Mainam din daw na takpan ang bibig tuwing uubo, lutuin nang maigi ang pagkain at manatili na lamang sa bahay kung pakiramdam ay nilalagnat. — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero

Show comments