MANILA, Philippines — Ibinaba na kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 3 ang Bulkang Taal.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, mula sa alert level 4 ay ibinaba na nila sa level 3 ang status ng Taal dahil bumaba na umano ang tsansang magkaroon ng hazardous eruption o mapanganib na pagsabog.
Base sa record ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 348,563 ang bilang ng indibidwal na naapektuhan ng pagsabog ng bulkan habang ang pinsala sa agrikultura ay nasa mahigit P3 bilyon sa Batangas, Laguna at Cavite.
Sa kabila nito, hindi pa rin umano dapat maging kampante ang publiko dahil hindi pa rin tumitigil ang aktibidad ng bulkan at hindi pa nawawala ang banta ng mapanganib na pagsabog.
Noong Enero 12, itinaas ng Phivolcs ang alert level 4 sa Taal, dahilan para puwersahang lumikas ang libu-libong residente mula sa mga bayang sakop ng 14-kilometer danger zone.
Ang alert level 4 ay nangangahulugan ng posibilidad ng isang mapanganib na pagsabog sa mga susunod na oras o araw.
Dahil sa pagbaba ng alert level, maaari nang makauwi ang mga residente sa mga bayan ng Batangas na naka-lockdown, maliban sa Agoncillo at Laurel.
Ayon kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, hindi pa puwedeng makabalik ang mga taga-Agoncillo at Laurel dahil sakop ang parehong bayan ng 7-kilometer danger zone sa ilalim ng alert level 3.
Ang mga lugar kung saan maaari nang makabalik ang mga residente ay Alitagtag, Balete, Cuenca, Lemery, Lipa City, Malvar, Mataasnakahoy, San Nicolas, Sta. Teresita, Taal, Talisay, at Tanauan City.
Nilinaw ni Mandanas na walang transportasyon at pagkaing ibibigay sa mga tao sakaling magpasya silang bumalik sa kanilang mga bayan.
Iyong mga nasa evacuation center lang daw ang bibigyan ng mga pangangailangan.
Nananatili namang naka-lockdown ang volcano island dahil ito ay permanent danger zone.
Ilang oras matapos ang anunsiyo ng Phivolcs, agad nagsibalikan ang mga residente mula sa mga piling bayan na hindi sakop ng 7-km danger zone.
Pinayuhan naman ni Mandanas ang mga residente doon na maging alerto dahil sakaling muling itaas sa alert level 4 ang bulkan ay dapat silang mag-evacuate sa loob ng isang oras.
Samantala sa Tagaytay City, nag-anunsiyo ang pamahalaang lokal na balik-eskuwela na simula ngayong Lunes, Enero 27, ang mga estudyante sa ilang paaralan.
Related video: