MANILA, Philippines — Umakyat na sa pito katao ang death toll sa pagsabog ng bulkang Taal matapos na tatlong evacuee pa ang madagdag sa talaan.
Sa data ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kabilang sa nasawi ang isang 80 anyos mula sa San Nicolas, 54 anyos at 86 anyos na pawang mula sa bayan ng Taal.
Sa report, nasawi ang mga biktima sanhi ng iba’t-ibang sakit habang nasa evacuation center.
Ang pitong nasawing evacuees ay simula noong Enero 13 o isang araw matapos na mag-alburuto ang Taal.
Hindi naman kasama sa bilang ang tatlong estudyante na namatay sa vehicular accident sanhi ng ashfall sa Lipa City, Batangas matapos na mag-deliver ng relief items.
Kaugnay nito, ang 14-km danger zone ay dinagdagan pa ng isang kilometro bilang buffer zone sa base surge o sakaling magkaroon ng malakas na pagsabog ang bulkan.
Magugunita na idineklara ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang pagbabalik eskuwela ng mga estudyante sa college level sa labas ng 15 km danger at buffer zone.
Nakatakda namang desisyunan sa linggo kung isusunod na ang panunumbalik muli ng klase ng mga senior high school hanggang pre-school level.