MANILA, Philippines — Isinisi ng isang mambabatas sa kasalanan ng tao "signos ng ikalawang pagbabalik ni Hesus" ang nangyayaring kabila't kanang sakuna sa Pilipinas at sa buong mundo, kabilang ang kasalukuyang pag-aalboroto ng Bulkang Taal sa probinsya ng Batangas.
'Yan ang sinabi ni CIBAC party-list Rep. Eddie Villanueva sa sesyon ng Kamara na inilunsad mismo sa Lungsod ng Batangas kahapon, Miyerkules.
"[P]ara magkaroon ng significance ang ating dasal at pananalangin, maunawaan po natin na ang lahat ng kalamidad na ito at disaster ay bunga ng sinasabi ng Banal na Kasulatan — the curses of sins," sabi ni Villanueva, na founder din ng religious group na Jesus is Lord.
"Ito po'y para sa mga biktima ng kalamidad, disasters, lalong-lalo na dito sa Taal volcano eruption, at maging sa Kamindanaoan at sa lahat ng panig ng daigdig."
Tinawag din niyang bahagi ng "second coming of Jesus" ang mga nangyayaring lindol, pagbaha at tsunami, na alinsunod daw sa kapitolo 24 ng libro ni San Mateo.
Sabi pa ng religious leader-turned-lawmaker, na hindi naman volcanologist o siyentista, "simple" lang ang sagot sa mga natural disaster: ang magbalik-loob sa Diyos at talikuran ang kasalanan.
"Kung tayong mga tinawag ng Panginoon sa Kanyang pangalan ay magpapakumbaba, mananalangin, hahanapin ang Kanyang mukha at tatalikod sa kanilang mga kasalanan, ang sabi po ng Diyos: 'Ako, mula sa langit, pakikinggan ko ang inyong mga daing at pananalangin. Patatawarin ko ang inyong mga kasalanan at pagagalingin ko ang inyong bayan,'" dagdag niya.
Aniya, pagmamahal ng Diyos ang inilalaang kasagutan dito kung susundin ang nilalaman ng 2 Chronicles 7:14.
Tumakbo siya noon sa pagkapangulo taong 2004 at 2010 ngunit hindi nanalo. Kasalukuyang nasa senado ang kanyang anak na si Sen. Joel Villanueva.
Wala namang nababanggit ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology tungkol sa mga itinuturong dahilan ni Villanueva kung bakit nagkakaroon ng mga volcanic eruption at lindol.
Sa huling tala ng Phivolcs, nananatiling nasa Alert Level 4 ang Taal, na nangangahulugang maaari itong pumutok sa susunod na mga oras o araw.
Dahil dito, nagdulot pa rin ng "weak to moderate emission" ng abo, na umabot mula 50 hanggang 500 ang taas mula sa Main Crater.
Umabot na sa 731 ang volcanic earthquakes simula ika-12 nf Enero, ayon sa taya ng Philippines Seismic Network.