Force evacuation, total lockdown puspusan na!

Sa total lockdown, bawal nang pumasok sa naturang mga lugar na idineklara nang no man’s zone.
WALTER BOLLOZO

BATANGAS, Philippines — Ipinatupad na ng mga awtoridad ang force evacuation at total lockdown sa 14 KM danger zone kaugnay ng patuloy na pag-aalburoto ng bulkang Taal na nagbabadya ng ma­lakas at mapanganib na pagsabog.

Ito ang inihayag kahapon ni CALABARZON Police Director Police Brig. Gen Vicente Danao Jr na nilinaw na ito’y base sa advisory ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Sa total lockdown, bawal nang pumasok sa naturang mga lugar na idineklara nang no man’s zone.

Sinabi ni Danao na tinalakay ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Joint Task Force Taal ang exit plan sa paglilikas pa sa mga nala­labing residente  at ma­ging sa relokasyon ng security forces sa ‘risk control points’ sa ilalim ng 14 KM radius sa loob ng 48 oras.

Nabatid na nasa 2% pa ng mga residente ang nakikipagpatintero sa mga awtoridad sa pagpuslit at pagtatago sa danger zone para tingnan at pakainin ang kanilang mga alagang hayop, bisitahin ang kanilang mga bahay, kumuha ng mga damit, mahahalagang dokumento at iba pa.

Una nang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduar­do Año na nasa 98 % pa lamang ang naililikas sa danger zone.

Ayon kay Danao, magtatalaga ng checkpoints sa ‘risked control points’ at walang papasukin sa 14 KM kilometer zone.

“Worst comes to worst, mas maiging tayo ay nakahanda sa lahat ng pagkakataon. We va­lue human life over pro­perty. Ang kaligtasan po ng lahat ang prayoridad ng kapulisan,” anang opisyal.

 “Nakikiusap po kami sa mga residente sa mga apektadong lugar na makipag-cooperate po sa kapulisan dahil ito naman po ay para rin sa inyong kaligtasan,” ayon kay Danao.

Kabilang naman sa mga isinailalim sa total lockdown ang mga bayan ng Talisay, Agoncillo, Taal, Balete, San Nicolas, Sta. Teresita at Lemery habang nasa ilalim naman ng lockdown ang ilang mga apektadong Brgy. sa mga bayan ng  Laurel, Tanauan, Mataas na Kahoy, Alitagtag at  Malvar.

Sa kasalukuyan, pa­tuloy naman ang force evacuation at ayon kay Danao ay inaasahang makukumpleto ito hanggang alas-5 ng umaga ngayong Huwebes (Ene­ro 23 ).  

Epektibo ngayong araw, pinaalis ng PNP ang mga pulis na nagbabantay sa 14 Kilometer danger zone kaugnay ng nakaambang na malakas at mapanganib na pagsabog ng Taal volcano sa lalawigan ng Batangas.

Ayon kay PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, 48 oras ang ibinigay ng Police Regional Office 4A (Calabarzon) para sa force evacuation ng mga nalalabi pang residente na naiiwan at nagtatago sa 14 KM danger zone.

Show comments