MANILA, Philippines — Nadulas pababa sa ika-54 pwesto sa mundo ang Pilipinas sa kalalabas lang na "2019 Democracy Index" ng Economic Intelligence Unit.
Mas mababa 'yan sa posisyong huli nitong nakuha sa ika-53 (6.71 puntos) noong 2018 at ika-51 (6.71 puntos) noong 2017.
Tinawag na "flawed democracy" ng EIU ang bansa, na nakakuha ng gradong 6.64 sa nagdaang taon.
Ang mga flawed democracy, ayon sa grupo, ay sinasabing may "malaya at patas na halalan, at kahit may ilang problema (gaya ng pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag), nire-respeto ang batayang kalayaang sibil."
Kasama ng Pilipinas ang South Korea (8.00), Japan (7.99) at Taiwan (7.73) sa may mga sinasabing flawed democracy.
Isa ang bansa sa 68 estado na nakaranas ng pagbaba sa kanilang kabuuang puntos mula noong 2018.
Pinakamababa ang grado ng Pilipinas sa kategoryang "political culture" (4.39) at "functioning of government" (5.36).
Sa kabila nito, pinakamataas na grado ang nakuha ng bansa sa prosesong elektoral at pluralismo sa puntos na 9.17.
Nakakuha naman ng 7.22 ang bansa sa pulitikal na pakikilahok at 7.06 sa kalayaang sibil.
Norway ang Numero Uno
Numero uno sa global rankings ang Norway nakakakuha ng 9.87, na sinundan ng Iceland sa 9.59, Sweden na may 9.39, New Zealand na may 9.26 at Finland na may 9.25.
Ika-9 na ranggo ang nasungkit ng Pilipinas sa Asia at Australasia region, na may average score na 5.67.
Bahagyang umigi ang standing ng Asia at Australasia region ngunit nananatiling kulelat kumpara sa North America (8.59), western Europe (8.35) at Latin America (6.13).
Nangunguna sa Asia and Australasia ang New Zealand (9.26) at Australia (9.09), na bukod-tanging nakakuha ng score na "full democracy" sa rehiyon.
Ang mga bansang full democracy ay yaong "may pagrespeto sa batayang kalayaang pulitikal, ngunit may kulturang pampulitikang kailangan para sa paglago ng demokrasya."
'Pinakamababang global index'
Pagbabahagi pa ng EIU, bumaba ang ang global score para sa demokrasya mula 5.48 noong 2018 sa 5.44 noong 2019, na pinakamalala raw mula nang unang maglabas ng index noong 2006.
"Ang pagbaba sa average global score noong 2019 ay idinulot ng matinding pagbaba nito sa Latin America at Sub-Saharan Africa, bahagyang pagbaba sa Middle East at North Africa region at pananatili sa parehong estado sa nananatiling apat na rehiyon na saklaw ng Democracy Index," sabi pa ng ulat sa Inggles.
Ibinase ang index sa pag-ranggo ng 60 indicators, na hinati sa limang kategorya: electoral process and pluralism, civil liberties, functioning of government, political participation at political culture. — James Relativo at may mga ulat mula kay Patricia Lourdes Viray