MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ni Region 4-A (Calabarzon) Police Director Brig. Gen. Vicente Danao Jr., si Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan na tumahimik at tigilan na ang pangungumbinse sa mga residente ng kanilang bayan na magsibalik na sa kanilang mga tahanan.
Sinabi ni Danao na mananagot si Natanauan sa batas kapag may nangyaring masama sa mga residente ng Talisay sakaling may makinig sa bise alkalde at kung mapahamak ang mga ito sa pagputok ng bulkan.
“Nakikiusap ako kay Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan na tumulong na lang at huwag ng mag-udyok sa mga residente na bumalik,” ani Danao.
Una rito kinuwestiyon ni Natanauan si Phivolcs Director Renato Solidum dahil sa prediksyon nito sa nakaambang malakas at mapanganib na pagsabog ng bulkang Taal.
“Diyos ka ba?” kuwestyon nito kay Solidum na iginiit na walang makapagsasabi sa pagputok ng Taal at iginiit na opinyon lamang umano ng opisyal ang sinasabi nito pero iginiit ng Phivolcs na base ito sa Science.
“Kapag bumalik ang mga yan (mga tao) at may nangyaring masama, pag inabot kitang buhay (Vice Mayor Natanauan), iaalay kita sa Bulkang Taal,” babala ng heneral sa bise alkalde.
Nauunawaan anya ng opisyal na sobrang stress ang bise alkalde matapos na maapektuhan ang bayan nito pero hindi umano nito dapat ilagay sa peligro ang mga residente.