MANILA, Philippines — Kampante si Talisay, Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan na hindi siya maaaring habulin ng batas oras na madisgrasya ang kanyang mga nasasakupan bunsod ng inaasahang malakas na pagsabog ng Bulkang Taal.
"Kung mangyaring pumutok nang malakas 'yan, nandito ako, namatay sila, namatay ako, wala na silang makakasuhan, patay na kaming lahat," sabi ni Natanauan sa isang pahayag, Martes.
"Kung [ang] kamatayan ay ating katatakutan, wala tayong karapatan mabuhay sa mundo."
Kasalukuyang hinihikayat ni Natanauan ang kanyang mga constituents na bumalik sa kanilang mga tirahan, taliwas sa babala ng Phivolcs na maaaring sumabog ang bulkan, na nasa Alert Level 4, anumang oras.
Matatandaang una nang sinabi ng bise alkalde na dapat hayaang makabalik ang mga residente sa kanilang lugar dahil nakaaapekto na raw ito sa kanilang buhay at kabuhayan.
Kwinestyon din ng vice mayor ang mga forecasts nina Phivolcs Director Renato Solidum, at sinabing pinalalala lang nila ang totoong sitwasyon: "Bakit nasabi niya [na sasabog], siya ba ay Diyos?"
Kanina, nanindigan naman ang state volcanology agency na nakabatay ang kanilang mga report sa agham, at hindi basta-basta dapat pabalikin ang mga residente dahil sa banta sa kanilang kaligtasan.
"Nirerespeto namin 'yung feelings ni vice mayor, pero at the same time, naninindigan kami sa agham namin," sabi ni Ma. Antonio Bornas, hepe ng volcano monitoring and eruption prediction division ng Phivolcs, sa Inggles.
"Kami ang unang magsasabi kung ligtas nang bumalik."
Kasalukuyang iminumunghagi ng Phivolcs ang total evacuation ng Taal Volcano Island at iba pang high-risk areas na itinala sa hazard maps sa loob ng 14-kilometrong radius mula sa Taal Main Crater at kahabaan ng Pansipit River Valley, kung saan naobserbahan ang mga fissure (bitak).
Nagpatupad na rin ng "lockdown" ang Department of the Interior and Local Government sa mga apektadong lugar. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5