MANILA, Philippines — Tinira ni Bise Presidente Leni Robredo ang planong muling pagtakbo ni dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa susunod na halalan, kasabay ng pasaring sa pagkatalo ng nahuli noong 2016 elections.
'Yan ang sinabi ni Robredo sa panayam ng GMA "Unang Hirit," Lunes ng umaga.
"Para sa akin, karapatan naman ng kahit sinong tumakbo. Pero dapat lahat ng tatakbo, tatanggapin 'yung resulta ng eleksyon," sabi ni Robredo
"Kasi kung matatalo ka at hindi ka, eh huwag ka nang tumakbo."
Marcos tatakbo sa 'national post'
Una nang kinumpirma ni Marcos na tatakbo siya para sa isang "national post" sa 2022 ngunit hindi pa kinumpirma kung para sa anong pwesto.
Paliwanag ni Bongbong, mabilis ang takbo ng pulitika sa Pilipinas kung kaya't ayaw niya pang sabihin kung tatakbo sa pagka-presidente: "[K]ung mag-commit ka dito sa isang position eh nagbago [ang sitwasyon], ipit ka... Kasi kami, tinitignan talaga namin."
Ilang taon na ang nakalilipas nang magtunggali para sa pagka-ikalawang pangulo sina Robredo at Marcos, na kwinekwestyon pa rin ng anak ng dating diktador hanggang sa ngayon.
"Nakakalungkot na it took over three years," sabi ng dating senador.
"Papaano ba tayo magsasabi na maayos ang ating pamahalaan, maayos ang ating pagpapatakbo kung tatlong taon na, hindi pa natin nalalaman nang mabuti kung sino ba talaga ang nanalo bilang bise presidente?"
Patuloy na hinihiling ni Robredo sa Korte Suprema na tuluyang maibasura ang electoral protest ni Marcos matapos mabigong makakuha ng "substantial recovery" sa tatlong pilot provinces na ginamit para sa recounting ng May 2016 elections.
Ang Korte Suprema ang umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal.